LABING-APAT na araw na ang nakalilipas mula nang patayin ang radio broadcaster na si Marlina Flores-Somera sa Bgy. Maysilo, Malabon, pero hanggang ngayon, wala pang nahuhuling killer. Blanko pa rin ang Northern Police District (NPD). Ayon sa report, nagtatago sa probinsiya ang suspect at nagpapalamig. Doon daw muna dinala ng “handler” at kapag may “ipatatrabaho” na uli saka papupuntahin sa Metro Manila. Umano’y propesyunal na hired killer ang suspect.
Kung walang magawa ang PNP sa kasong ito, isa lamang ang katutunguhan, mapapabilang ang kaso ni Somera sa iba pang hindi nalutas na kaso. Malilimutan na ang pagpatay sa kanya at magpapaulit-ulit lamang ang mga pagpatay sa mamamahayag. Walang ipinagkaiba sa nakaraang Arroyo administration na maraming pinatay na mamamahayag at walang naresolba.
Si Somera ang ika-apat na broadcaster na pinatay sa ilalim ng Aquino administration. Naglalakad siya sa Silonian St. ilang metro ang layo sa kanyang bahay para pumasok sa dzME radio station na kanyang pinaglilingkuran nang isang lalaki, mula sa likuran ang bumaril sa kanyang batok. Bumulagta siya. Tumakas naman ang killer. Isinugod sa Valenzuela General Hospital si Somera pero dead on arrival.
Maraming umasa na ang pagpatay sa mga mamamahayag ay mawawala na sa ilalim ng Aquino admi-nistration, pero hindi pa pala. Katunayan, tatlong araw (Hulyo 3, 2010) makaraang maupo si P-Noy, binaril at napatay ang dating anchor at reporter na si Jose Daguio sa kanyang bahay sa Kalinga. Isang linggo ang nakalipas, binaril din si Miguel Belen, reporter ng radio DWEB sa Nabua, Camarines Sur ng mga lalaking nakamotorsiklo. Namatay si Belen noong Hulyo 31, 2010. Noong Enero 24, 2011, binaril at napatay ang radio commentator at environmentalist na si Gerry Ortega sa isang tindahan sa Puerto Princesa City, Palawan. Umano’y pinatay si Ortega dahil sa pagbatikos sa mining operation sa Palawan.
Ang mga nabanggit na pagpatay ay hindi pa rin nalulutas hanggang sa kasalukuyan. At kung ang mga nakaraang pagpatay ay nananatiling blanko, ano pa ang pangyayaring ngayon lamang naganap kagaya ng kay Somera. Kailan nga ba magkakaroon ng hustisya ang mga pinatay na mamamahayag?