MAPAYAPA kaming naglalakad ng kaibigan kong si Jake patungong immigration section ng Hong Kong airport. Nakaabot na kami sa may bungad ng escalator pababa patungo nga kung saan isasagawa ang immigration at baggage check bago makasakay ng tren tungo na sa assigned gate ng Philippine Airlines, may 10:00 o’clock ng umaga noong March 30 para sa 11:00 a.m. flight naming pauwi ng Pilipinas.
Sa harap na kami ng escalator nang biglang may bumulaga sa aming isang mama at isang babaeng nagmamadali. Kapwa Pinoy ang dalawa dahil Tagalog naman kung magsalita.
‘Brother, sister bitbitin n’yo ito. Hand-carried n’yo ito,” sinabi ng lalaki na astang uutusan kami ni Jake na kargahin ang bagahe nila na isang beige na trolley at isang beige na backpack na kitang-kita namang malapit nang bumigay sa kapunuan.
Ginamitan kami ng “shock and awe” na style na approach ng dalawa dahil talagang na-shocked kami at hindi kami agad nakapagsalita. Napa- ‘HA?’ na lang kami ni Jake dahil nga sa pagkabigla namin sa ‘‘utos’’ nila.
At nang nahimasmasan kami sa pagkabigla, tahasan naming sinabi ni Jake na hindi namin bibitbitin ang dala nila dahil nga may sarili rin kaming mga hand-carried luggage.
At isa pa, ni hindi nga namin sila kilala at hindi namin sila kasama sa grupo. At hindi nga sila nagpakilala sa amin bago nila kami inutusang bitbitin ang bagahe nila. Ano sila, sinuswerte?
Wala nga ni isang ‘‘please paki-karga naman ang bagahe ko’’ or whatever na may ‘please’. Hindi na nga sila nag ‘please’ uutusan pa kami nang ganun-ganun lang.
Medyo may kalayuan na kami noon sa check-in counter ng PAL. Ang ipinagtataka ko bakit nila kami hinabol at wala naman silang dalang ibang bagahe. Malay ba namin kung nag-check-in nga sila.
At kung binitbit nga namin ang kanilang bagahe--- paano na lang ang mangyari sa amin sa security check sa immigration counters at maging sa final security check bago sumakay ng tren patungo nga sa designated departure gate namin?
Coincidence nga na nangyari ‘yong pagbasa ng sakdal at pagbitay sa tatlo nating kababayan sa China, sina Sally Villanueva, Ramon Credo at Elizabeth Batain, sa ganun ding oras na nilapitan kami ni Jake ng dalawa nating kababayan sa Hong Kong na bitbitin ang bagahe nila.
Naisip ko na paano na lang kaya ang mga milyun-milyong OFW na ginagamit ng mga sindikato na nasa likod ng illegal na droga bilan drug mules?
Kung nangyari yon sa amin ni Jake na pinadala kami ng mga handcarried bagahe ng mga taong di namin kilala, paano na lang ang ating ibang mga OFW na walang malay at walang ibang hangad na maiayos lang ang kani-kanilang buhay, at sila ay maging biktima lang ng mga walang-kaluluwang sindikatong ito.
Ang masaklap eh, kapwa pa natin Pinoy ang mga nasa likod ng mga kaso gaya kina Villanueva, Credo at Batain.
Ito ay isang panawagan sa lahat ng ating OFW o sino man sa ating mga kababayan na lumalabas ng bansa na kung pupuwede huwag talaga sumang-ayon sa anumang request lalo na sa mga hindi ninyo kilala o kahit kilala niyo man na bitbitin niyo ang mag bagahe nila.
Pakiusap lang sa lahat, huwag magpadala sa linyang ito---“Brother, sister, bitbitin n’yo handcarried bagahe na ito!”.
Dahil hindi n'yo brother at hindi ninyo sister ang mga mapagsamantalang nilalang na ‘yon.