MALAKING tagumpay ang Earth Hour 2011 noong Sabado kung saan boluntaryong pinatay pansamantala ang mga ilaw bilang pagpapakita ng kahalagahan at pangangailangan sa pagbawas sa konsumo ng enerhiya.
Ito ang napag-usapan namin ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.
Naganap ang pagpatay ng ilaw ng 8:30-9:30 ng gabi. Base sa datos, mahigit 18 milyong Pilipino sa 1,554 na mga lungsod at bayan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nakilahok sa aktibidad.
Ayon kay United Nations Secretary General Ban Ki-moon, ang Earth Hour ay isang “global action for the environment to protect the planet and ensure human well-being.” Dagdag pa niya, “Let us use the 60 minutes of darkness to help the world see the light.”
Mahalaga kasi aniyang makita at maunawaan ng sangkatauhan ang pangangailangan sa pagbawas sa konsumo ng kuryente at iba pang enerhiya upang mapagaan nang kahit kaunti ang pressure sa daigdig, na nagreresulta na sa matinding global warming at malalakas na mga kalamidad.
Ayon sa mga organizer ng aktibidad, ang Earth Hour 2011 ang maituturing na world’s largest voluntary action for the environment kung saan ay 134 na mga bansa ang lumahok, kabilang mismo ang malalaking establisimento sa mundo tulad ng Times Square sa New York, Bird’s Nest stadium sa Beijing, London Eye sa United Kingdom at Redeemer Statue sa Brazil.
Lalo umanong naging makabuluhan ang Earth Hour ngayong taon dahil sa nangyaring napakalakas na lindol at tsunami sa Japan at sa naging problema sa nuclear power plant doon. Isang malaking positibong hakbangin ang Earth Hour upang maitanim sa isip ng bawat tao ang pangangailangang alagaan natin ang kalikasan.