WALANG sinumang nakasaksi sa kaganapan sa Japan ang hindi maaapektuhan sa tindi ng disgrasyang sinapit ng kanilang mga mamamayan. Sa kapanahunan ngayon kung saan ang paghihirap dala ng giyera, himagsikan o pagsalanta ng natural na kalamidad ay karaniwan nang realidad, hindi pa rin natin naiwasang mabigla sa mga eksena ng hindi kapani-paniwalang pagdurusa na napapanood sa TV.
Anumang paghanda ang ginawa ng mga Japanese upang makaligtas sa ganitong delubyo ay malinaw na walang naitulong. Pangatlong pinakamayamang bansa sa mundo – hindi kinaya ang poot ng kalikasan. Pinamukha lamang sa ibang bansa na kahit pa maniwala tayong kontrolado natin ang ating kapaligiran at kapalaran, lahat ng ito ay maaring mabawi sa isang iglap tulad ng nangyari sa Japan. Hindi pa nga natatapos ang peligro para sa kanila. Hanggat hindi nasosolusyonan ang patuloy na pag-overheat ng kanilang nuclear power plants, hindi pa sila mailalayo sa panganib.
Sa ngayon ay para itong makina ng kotse na kapag nag-overheat ay kailangang payagang makasingaw ang usok o steam nang hindi sumabog. Ang problema ay maski ang steam na papayagang sumingaw ay radioactive din. Best case scenario ay kung ito’y itangay ng hangin patungong dagat kung saan wala itong maapektuhan. Ang kaso’y wala namang sariling isip ang hangin at kapag mag-u-turn ito, pabalik naman sa tao ang ihip ng radioactive cloud.
Subalit kahit pa sila’y komunidad na nilisan na ng pag-asa, hindi mapigilang humanga sa pinamamalas nilang pagkapanatag ng kalooban. Saan ka man tumingin, wala kang makitang nag-hysteria o naghuramentado. Lahat andun pa rin ang disiplina, ang pakikipagtulungan at ang lakas ng karakter na pumupuno sa lamat na iniwan ng lumisang pag-asa. Natural lamang kung walang patid na dalamhati at kabigatan ng puso ang nararamdaman ng mga nakikiramay na bansa. Sa halip ay walang hangganang inspirasyon ang naipapamahagi sa atin ng kanilang pakiki-pagsapalaran. Hindi lang pala ekonomiya ang mayaman sa Japan. Higit dito ay mayaman ang pambansang karakter ng mga Japanese.
Tayo man ay maaring mabiktima ng sinapit ng Japan. Wala man tayong kumpiyansang maaalpasan ang disgrasya, hindi pa rin dapat mawalan ng pag-asa. Maaring maanod ng baha ang ating ari-arian subalit kapag lumutang naman ang ating panloob na lakas, hindi pa rin tayo mauubusan ng kayamanan.