Maghanda: Paratingna ang food crisis

TILA hindi pinapansin ng pamunuan ang nagsisimula nang food crisis. Parami nang parami ang economists na nagsasabing magkaka-shortage kaya magmamahal nang husto ang presyo ng pagkain sa buong mundo. Nagsimula na nga ito sa Asya nu’ng Hulyo 2010, at sa Pilipinas ay patuloy ang pagmahal ng tinapay, de-lata, at karne. Pero hindi pa kumikilos ang economic managers.

Tulad ng nabanggit ko nu’ng makalawang linggo, maraming nagsasanib na sitwasyon na nagpapamahal sa pagkain. Pangunahin ay ang pagsirit ng presyo ng krudo na ginagamit sa farming, fishing at food processing: mahigit $115 per barrel na, mula $30 nu’ng 2008. Tapos, puro sakuna sa buong mundo dahil sa climate change: Baha sa Russia, Pakistan at Australia; yelo at drought sa China, bagyo sa Amerika at Pilipinas. Ginagawang bahayan ang mga taniman; sa natitirang taniman at biofuel imbis na pagkain ang pinupunla. At lumalaki ang demand para sa gatas, manok at livestock dahil dumadami ang tao, at nagiging urbanized ang panlasa.

Sabi ng bankero-ekonomista-negosyanteng Ramon Orosa, dalawa ang dapat gawin agad ng pamunuan. Una, mag-imbak ng maraming bigas, mais at trigo sa iba’t-ibang probinsiya, habang kaya pa ng gobyerno bumili. Kapag nagka-shortage, papakyawin ng China lahat ng sobrang grains sa mundo sa pamamagitan ng kanyang $2.6-trilyong dollar reserve; walang laban ang $64 bilyon ng Pilipinas. Ikalawa, hikayatin ang mamamayan na magtanim ng halaman at mag-alaga ng hayop na pangkain. Pinaka-madali magpalaki ng kamoteng kahoy, hindi kailangan ng gaanong tubig, at mas masustansiya kaysa kanin. Madali rin mag-alaga at magparami ng manok, itik, kambing, tilapya at susô.

* * *

Makinig sa Sapol, tuwing Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com

Show comments