NANG sumiklab ang kaguluhan sa Egypt at Libya, nalantad ang katotohanan na walang kahandaan ang mga embahada ng Pilipinas sa nabanggit na mga bansa. Nangapa sila. Hindi malaman ang gagawin. Habang ang mga embahada ng iba’t ibang bansa ay maliksi sa paglilikas sa kani-kanilang mamamayan, ang mga opisyal ng embahada ng Pilipinas ay mahinang umaksiyon. Hanggang ngayon, marami pang OFWs sa Libya na naghihintay pa rin ng tulong sa gobyerno. Meron naman na ayaw nang umalis (karamihan ay nurse) at nagpapatuloy sa kanilang trabaho. Wala naman silang magawa sapagkat baka mas lalong kapahamakan ang masuong kung magpipilit umuwi ng Pilipinas. Hanggang ngayon patuloy pa rin ang bakbakan sa Libya at walang palatandaan na bababa sa trono si Muammar Khadafi.
Habang nagkakagulo sa Libya, tatlong siyudad sa Saudi Arabia ang sinasabing nagkakaroon na rin ng kaguluhan. Maraming mamamayan ang nagpoprotesta sa Qatif, Hofuf at Taif na nasa Eastern Province. Gusto rin daw magkaroon ng pagbabago sa pamumuno sa Saudi Arabia. Ginagaya ang nangyayari sa Libya at sa nangyari sa Egypt kung saan ay napatalsik si President Hosni Mubarak. Bago ang karahasan sa Libya, nagkaroon na rin ng mga protesta sa Bahrain at Tunisia.
Kumakalat na animo’y kanser ang kaguluhan sa Middle East at bahagi ng Africa. Kung ang Libya at Egypt na kakaunti ang mga OFW ay nahirapan ang pamahalaan kung paano ililikas, paano pa sa Saudi Arabia. Napakaraming OFW sa Saudi Arabia. Sa lahat ng Middle East countries, ang Saudi Arabia ang may pinakamaraming manggagawang Pinoy --- 1.2 million. Kapag nagpatuloy ang kaguluhan sa nasabing bansa, talagang apektado ang mga OFW. Kawawa ang kahahantungan nila.
Magkaroon nang magandang plano kung paano ililikas ang mga OFW. Ngayon pa lamang, magkaroon at buuin ang hakbang para hindi matulad sa nangyari sa Egypt at Libya na naipit ang OFWs. Ialerto ang embahada sa Saudi Arabia at magkaroon na ng komunikasyon sa mga OFW doon. Huwag ipagkibit-balikat ang nangyayari sa Saudi.