MALAPIT nang kumuha ng Bar exams si Juan nang mabuntis niya ang siyotang si Anita. Nang malaman ito ng tatay ng babae, agad itong pumunta sa boarding house ni Juan kasama ang isang tiyuhin ni Anita. Nagdala ng balisong ang tatay ni Anita at nang makaharap si Juan, ipinatong nito ang balisong sa ibabaw ng mesa sa harap mismo ni Juan. Sinabi ng tiyuhin ni Anita na dapat pakasalan ni Juan ang pamangkin at kung hindi, sisiguraduhin niya na hindi makakakuha ng Bar exam si Juan. Dahil sa takot sa kanyang buhay at sa posibilidad na hindi makakuha ng Bar exam, pinakasalan ni Juan si Anita.
Hindi nagsama sa iisang bahay sina Juan at Anita. Ipinagpatuloy ni Juan ang pagrereview. Nang makapasa at naging ganap na abogado, nagsampa ng kaso si Juan upang ipawalambisa ang kasal nila ni Anita. Pinuwersa at tinakot lang daw siya upang pakasalan ang babae.
Ayon sa korte, hindi uubra ang reklamo ni Juan. Wala raw aktuwal na pananakot na nangyari porke pinatong ng tatay ni Anita ang balisong sa ibabaw ng mesa kaharap si Juan. Hindi raw ito sapat upang sabihin na naging sapilitan ang kanyang pagpayag. Ang ginawa naman na pananakot kay Juan na pipigilan siya sa pagkuha ng exam ay legal na karapatan ng kaanak ni Anita at hindi tulad ng pananakot na nakasaad sa ating batas. Upang maging basehan ng pagpapawalambisa ng kasal, ang pananakot at pamimilit ay kailangan na illegal. Sa kabila nito, hindi rin importante kung sino ang gumamit ng pananakot, kahit ibang tao pa ang gumawa nito, magiging sapat ito upang ipawalambisa ang kasal (Ruiz vs. Atienza, C.A. 40, 40 O.G. 1903).
Siguro, mas nagtagumpay ang kaso ni Juan na ipawalambisa ang kasal kung idinaan niya ito sa batas ng simbahan. Puwede sana niyang palabasin na puma-yag man siya ay pakunwari lang ito at hindi bukal sa kalooban. Tinatawag itong “simulation” o pagpapanggap. Ang mga elemento nito ay: a.) ang pagkakaroon ng sapat na dahilan upang ipaliwanag kung bakit kailangang gawin ang pagpapanggap tulad ng imposibilidad na makakuha siya ng Bar exam kung hindi siya pumayag sa kasal at b.) ang mga sirkumstansiya bago ang kasal, nang magpakasal sila at pagkatapos ng kasal na magpapatunay na walang pag-aalinlangan na ang ginawang pagpayag ay hindi totoo at isang palabas lamang (Canon 1086).