PATULOY ang pagdating ng mga overseas Pinoy workers na galing sa Libya. Kahapon, may mga dumating na naman at nakaaawa ang ekspresyon ng karamihan sa kanila. May nakangiti, nakatawa, tuliro at nakatulala. Mas marami ang tuliro at nakatulala sapagkat hindi nila malaman kung ano ang mangyayari sa kanila ngayong nawalan ng trabaho. Karamihan sa mga OFW na galing Libya ay puwersahang tumakas para makaiwas sa kaguluhan. Parang bangungot ang ang nangyari sapagkat sa isang iglap, nawalan sila ng trabaho. Mangilan-ngilan lamang ang nagsabi na nangako ang kanilang employer sa Libya na kukunin uli sila. Problema lamang ay hindi alam kung kailan uli sila kukunin. Walang makapagsabi kung kailan matatapos ang kaguluhan sa Libya dahil hanggang ngayon ay nagmamatigas si Libyan leader Moammar Gadhafi. Lalaban daw siya at mga loyalist niya hanggang sa huling patak ng dugo. Maaaring matagalan pa bago magkaroon ng katiwasayan sa Libya.
Isang OFW ang naghihimutok makaraang dumating sa NAIA. Dalawang buwan pa lamang daw siya sa Libya at halos wala pang naipadadala sa kanyang pamilya. May mga nagsisipag-aral daw siyang anak. May binabayarang mga utang. Umuupa ng bahay at kung anu-ano pa. Hindi raw niya alam kung ano ang mangyayari ngayong wala na siyang trabaho. Wala raw siyang dalang pera kundi passport lang. Isa lang pinagpapasalamat niya ay nakauwi siyang buhay.
Nangako ang Department of Labor and Employment na pagkakalooban ng P10,000 grant ang mga OFW na galing sa Libya. Bukod pa roon, may “assistance package” pang ipagkakaloob. Maaari rin daw makautang sa banko para gamitin sa itatayong negosyo.
Sana ay maayudahan nang husto ang mga OFW sa pagkakataong ito. Magpakita rin naman sana ng pagpupursigi ang Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA) na matulungan ang mga OFW. Pagkalooban sila nang sapat na tulong at hindi barya-barya lang para makapagsimulang muli.