Flipflops

PANAHON na naman ng flipflops. No, hindi panahon ng tag-init ang tinutukoy. At hindi tsinelas na flipflop ang pinag-uusapan kung hindi ang pabagung-bago na deklarasyon at posisyon ng tatlong malalaking kagawa-ran ng Pamahalaan sa mga mahalagang usaping panlipunan.

Sa panig ng Ehekutibo, hanggang ngayon ay hinihintay ang pinangakong Cabinet revamp. Enero ang sabi. Marso na po Sir. May napalitang isa, iyon pang hindi umaani ng gaanong batikos. Meron pa bang kasunod? Napaalala tuloy ang mga matamis na pangako noong kampanya lalo na sa suporta sa kritikal na campaign issues ng RH Bill at Freedom of Information Law. Ngayong nagkakaalaman na, biglang about face ang Palasyo at sinasabing hindi priority ang mga ito sa ngayon. At ang daang matuwid!? Ano itong lumalabas sa mga ulat na naglalakihang mga tahanan na nababalitang pag-aari ng ilang matataas na opisyal ng bagong administrasyon?

Nahawa na rin itong Lehislatura subalit sa magandang paraan. Nitong nakalipas na administrasyon, natagurian ang House of Representatives na libingan ng impeachment complaint. Maaasahan kasi itong kumilos lagi, sa committee level pa lang, na harangin ang mga lehitimong reklamo laban sa matataas na opisyal ng gobyerno. Nga-yon, sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang Davide impeachment, muling masasaksihan ang proseso ng aktuwal na impeachment na hindi naiipit ng teknikalidad.

At ang mga Mahistrado. Sa lahat ng opisyal na aksyon ng pamahalaan, ang pinakaimportanteng magka-imahe ng stabilidad ay ang mga desisyon ng Mataas na Hukuman. Paano naman mapapanatag ang lipunan kung ang institusyon ng hu­ling takbuhan ay lalabas na walang isang salita? Ang interpretasyon ng batas ngayon ay iba sa interpretas-yon bukas? Anong uri ng guidance iyon? Well, ganoon ang nangyari   sa kaso ng 16 municipalities na binigyan ng cityhood status ng Kongreso. Pagkatapos madesisyunan ng pinal ng Suprem Court, tatlong beses itong binalikan ng Hukuman at binago bago ang desisyon.

Magtataka pa ba tayo kung bakit may kabaluktutan na hangad ituwid? Kung sa itaas pa lang ganito na ang sitwasyon, magugulat pa ba tayo kung bakit masahol pa ang realidad sa ibaba?

Show comments