Kilala ang tanggapan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pagbibigay ng tulong sa ating mga kababayang may problema sa kalusugan.
Sa pagpapatuloy ng pakikipag-ugnayan ng programang Pusong Pinoy at Calvento Files sa radyo, narito ang listahan ng mga lumapit:
• Si Leonora Montes, 57 taong gulang ng #15 Lourdes St., Pasay City. Inihingi niya ng tulong upang maipagamot ang kanyang sakit na Breast Cancer na ngayo’y ‘stage IV’ na.
Taong 2006 ng ma-‘diagnose’ siyang may breast cancer. Limang taon na siyang nakikipaglaban sa kanyang sakit. Tinanggal ang kanyang kanang dibdib upang maiwasan ang pagkalat ng cancer cells.
“Walang maitutulong sa akin kung maglulugmok ako. Mas pinili kong lumaban para sa aking pamilya,” sabi ni Leonora.
Tuluy-tuloy ang pagpapagamot ni Leonora. Nitong Oktubre 2010 binigay ni Leonora sa doktor ang resulta ng kanyang ‘medical test’.
Tinapat si Leonora ng doktor. May natira pang mga cancer cells sa kanyang katawan. Kumalat na ito sa kanyang mga buto’t atay. Meron na lang daw siyang anim na buwan para mabuhay. Kailangan daw niyang magpa-‘chemo therapy’ para mawala ang ibang cancer cells.
Ika-22 ng Pebrero 2011 nagpunta sa amin si Leonora upang ilapit sa Pusong Pinoy ang kanyang pagpapa-chemo therapy.
Binigyan namin siya ng referral sa PCSO. Pinakuha siya ng ‘quotation’ (listahan ng mga gagastusin) para sa isasagawang ‘medical procedure’. Nangako naman si Atty. Joy Rojas na agad tutulungan si Leonora.
• Isa ring ‘cancer patient’ ang lumapit sa amin upang humingi ng tulong medikal. Siya si Evelyn Amaro, 37 taong gulang ng Blk. 27, Welpon Village, Mandaluyong City.
Nais ni Alexis Baylen, asawa ni Evelyn na sumailalim sa chemo therapy ang kanyang asawang may Non Hodgkin’s Lymphoma (isang sakit na cancer sa dugo).
Sa ngayon inaasikaso na ni Alexis ang mga hinihinging ‘requirements’ sa kanya ng PCSO tulad ng kopya ng quotation para sa listahan ng mga gagastusin ni Evelyn.
Isang pasyenteng may sakit sa puso ang nagpunta sa amin upang humingi ng tulong. Siya si Benedicto Agoncillo, 44 taong gulang ng #445 A. Mabini St., Manggahan, Pasig City.
May bara ang ugat ng puso ni Benedicto. Ayon sa kanya nung huli siyang magpatingin sa doktor, kailangan na daw niyang maoperahan.
Ang kanyang mga kuko sa kamay ay lumolobo na. Hirap na din siya sa kanyang paghinga.
Ika-9 ng Pebrero 2011 binigyan namin ng referral si Benedicto sa PCSO para sa kanyang pagpapaopera. Pinapakuha siya ng PCSO ng listahan ng mga gamot.
• Si Christy Villahermosa, 22 taong gulang ng #2473 Pagkakaisa St., Timog, Las Piñas City. Gusto niyang maoperahan ang kanyang inang si Corazon Villahermosa.
Si Corazon ay may Thyroidectomy (bukol sa leeg). Ayon sa kanyang doktor ang bukol na ito ang dahilan ng pagkaipit ng kanyang mga ugat at unti-unting pagkadurog ng kanyang ‘spinal cord’.
Hirap na sa paghinga maging sa paglunok ng pagkain si Corazon dahil sa laki ng bukol sa kanyang leeg.
Pinapunta namin si Christy sa PCSO. Inutusan siya na ipagtanung-tanong ang mga kakailanganing gamot para sa gagawing operasyon.
Ilan lamang sila sa maraming taong nagpunta sa amin upang humingi ng tulong kaugnay sa kanilang problema sa kalusugan.
Lubos silang umaasa na sa tulong ng programang Pusong Pinoy matutugunan ang kanilang pangangailangan.
“Likas sa Pilipino ang tumulong sa kapwa at kami rito sa PCSO nais naming tumulong sa higit na nakakarami. Libu-libong tulong para sa mga Pilipino. Pusong Panalo… Pusong Pinoy,” pagtatapos na sinabi ni Atty. Joy.
Para sa mga taong gustong humingi ng tulong sa programang PUSONG PINOY maari niyong ilapit sa amin dito sa Calvento Files at ipararating namin sa kanila.
Tumawag lamang sa aming tanggapan sa 6387285 at sa 24/7 hotline 7104038. Pwede din kayong magtext sa 09213263166 o sa 09198972854 o magpunta sa 5thflroor Citystate Center Bldg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com