MARAMI-RAMI nang kriminal na pinaghahanap ng mga otoridad ang nahulog na sa patibong ng BITAG.
Nadakip dahil sa paglapit sa amin ng mga kamag-anak ng mga biktimang naghahanap ng katarungan.
Eto ‘yung mga taong walang puwang na makihalubilo sa lipunan at pilit pinagtataguan at pinagtatakpan ang krimeng kanilang ginawa.
Bago magtapos ang taong 2010, isang dating pulis ang nalambat ng BITAG kasama ang regional Police Intelligence Operatives Unit ng NCRPO sa kasong murder.
Lakas loob na lumapit sa BITAG ang ina ng disisiyete anyos na pinatay ng suspek na si SPO1 Geronimo Cestina taong 1997 pa. Matapos ang krimen, pinagbantaan pa ng suspek ang ina ng biktima na isusunod siya sa anak na pinatay.
Subalit hindi kinakitaan ng takot at pagtinag ang inang naghihinagpis. Malaki ang naitulong sa kaniyang paghahanap ng katarungan ang pagiging kabahagi nito sa Volunteers Against Crime and Corruption.
Isang beses lamang nakita ng BITAG sa labas ng bahay ang suspek na si dating SPO1 Cestina sa mga panahon ng aming pagmamanman sa suspek.
Isang matinding paghahanda ang isinagawa ng BI-TAG at RPIOU-NCRPO. Alam naming posibleng manlaban ang WANTED na ex-police.
Sa araw ng operasyon, nagdesisyong sadyang banggain ng mga pulis ng RPIOU at BITAG ang van ng suspek upang lumabas ito sa kaniyang lungga.
Hulog sa BITAG at hindi na nakapanlaban ang suspek sa nakapalibot ng mga pulis ng RPIOU-NCRPO at grupo ng BITAG.
Maangas pa rin ang suspek, dahil sa harap mismo ni BITAG at ng aming mga camera, nagawang bantaan ng suspek na si Cestina ang gi-nang na ina ng kaniyang biktima.
Oras na matapos daw ang lahat ng nangyari sa kaniya, magbabayad raw ang ginang. Dito nagpintig ang tenga ni BITAG at sinalita namin ang kaniyang lengguwahe.
Nagtangkang makialam sa eksena ang maybahay ng suspek at hinampas pa ang aming camera. Hindi rin pinalagpas ng BITAG ang kawalang respeto ng asawa ng WANTED na si Cestina.
Babala ng BITAG, bawat kasamaan ay may hangganan at bawat krimen ay may katapat na kaparusahan.
Kaya sa mga kamag-anak ng mga WANTED na aming tinatrabaho, igalang niyo ang desisyon ng hukuman. Sa batas ng Diyos at sa batas ng tao, dapat magbayad ang may kasalanan.
Kaakibat lamang ang programang BITAG upang magbigay ng katarungan sa mga naghihinagpis na kamag-anak ng mga biktimang nawalan ng mahal sa buhay.