TUWIRANG sinasabi sa atin ng Diyos: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Huwag maghiganti at magtanim ng galit, sapagka’t ang ating mahabaging Diyos ang nagmamagandang loob”.
The Lord is kind and merciful! Sabi ni Pablo na tayo ang templo ng Diyos. Naninirahan sa atin ang Espiritu Santo. Kaya ingatan natin ang ating sarili. Huwag nating wasakin ang templo ng Diyos upang huwag tayong parusahan. Sa karunungan ang kinakailangan natin ay ang karunungan sa Diyos at hindi ng sanlibutan. Si Hesus ang ating dapat na karunungan.
Iwasan natin tuwina ang “Lex Talionis”, ang pagganti ng masama ay lalong sumisira sa lahat. Kaya’t sabi ni Hesus na alisin natin ang Lex Talionis o paghihiganti: “Mata sa mata, ngipin sa ngipin” ibig sabihin na huwag nating labanan ang masamang tao. Kapag sinampal tayo sa kanang pisngi ibigay pa natin ang kaliwa.
Kapag kinuha ang ating baro ibigay pa natin ang balabal. Idinagdag pa ni Hesus na dapat nating ibigin ang ating mga kaaway at idalangin natin ang mga umuusig sa atin upang tayo’y maging tunay na anak ng Amang nasa langit.
Pinasisikat Niya ang araw sa masama at mabuti; pinapapatak ang ulan sa mga banal at makasalanan. Kadalasan nagiging mabait lamang tayo sa mga mabait lamang sa atin. Tayo’y mga pawang nilikha ng Diyos at pantay-pantay ang pagtingin sa atin. Tayong kanyang mga nilikha ay hindi wagas ang pasunod sa kanya. Kadalasan tayong mga Pilipino ay mapagtanim ng galit. Maingitin, sa halip na ipagmalaki ang tagumpay ng iba ay hindi matanggap kaya naman sinisira pa.
Kung minsan sa ating mga panalangin ay sinisisi pa natin ang Diyos sa hindi natin pagkakamit ng mga bagay na ating ninanasa. Para bang sinasabi natin sa Kanya na bakit po kung sino pa ang masasamang tao ang binibigyan mo ng maraming bagay o salapi. Mainggitin tayo. Ang ating dapat ipagpasalamat sa Kanya ay ang biyaya ng buhay na ating nakakamtan. Kadalasan ang ating tingin sa kapwa ang ating pinapansin.
Ang ating pansinin ay ang tingin sa atin ng Diyos.
Levitico 19:1-2, 17-18; Salmo 102; I Cor 3:16-23 at Mt 5:38-48