NIREREPASO ni Commission on Audit chairman Reynaldo Villar ang overstaying resident auditors sa ilang ahensiya ng gobyerno. Ito’y nang mabunyag na 13 na sa militar ang auditor nila. Sana noon pa ito ginawa ni Villar, kasi pitong taon at isang linggo na siya sa COA, una bilang commissioner at ngayon chairman. Hanggang tatlong taon lang dapat ang auditor sa assignment para hindi mapalapit sa mga opisyales na binabantayan.
Si Villar mismo ay umano’y overstaying. Ani Rep. Ben Evardone (Eastern Samar) nagretiro na dapat siya nu’ng Peb. 2, 2011, matapos ang pitong taon sa COA. Ito’y dahil itinalaga siyang chairman nu’ng 2008 sa ika-apat sa pitong taon niyang termino bilang commissioner. Pero giit ni Villar na, dahil 2008 lang siya hinirang na chairman, hanggang 2015 ang bagong pitong taon na termino niya. Ang nagretiro umano nu’ng Peb. 2 ay si Commissioner Evelyn San Buenaventura, na tumapos ng unexpired term ni Villar, kaya ipinag-farewell party siya.
Malabo ang isyu ng termino. Saad lang ng Konstitusyon na pitong taon ang termino ng chairmen at commissioners ng independent Commissions (Audit, Elections, at Civil Service). Walang sinasabi tungkol sa commissioners na inaangat na chairmen, o chairmen na binababang commissioners.
Ganunpaman, mali para sa isang opisyal na siya mismo ang magtakda ng kanyang termino. Hindi naman siguro binalak ng mga umakda ng Konstitusyon na palawigin ang termino ng mga taga-COA na sobrang haba kumpara sa anim na taon ng Presidente, o dalawang tig-anim ng senador, o tatlong tig-tatlo ng kongresista. Malamang may opinyon rin sa isyu ang Korte Suprema. At tiyak na itinakda ng Commission on Appointments ng Kongreso kung ilang taon ang panunungkulan ni Villar bilang chairman. Kung isinaad ay hanggang Peb. 2, 2011, lang siya ay dapat na siyang bumaba, ganun ka-simple.