NAMANGHA ako at pati na rin ang mga kababayan na narito sa U.S. nang makarating ang balitang nagpakamatay si dating AFP chief of Staff at Secretary Angelo T. Reyes. Mahirap mapaniwalaan na ang lalaking matikas at matalino ay magagawang kitilin ang sarilig buhay. Halos walang makapagsalita sa nangyari.
Bago kinitil ni Reyes ang sariling buhay, isa siya sa resource persons na ginigisa ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa “plea bargain agreement” sa pagitan ni dating AFP comptroller Carlos Garcia at Office of the Ombudsman. Nadawit ang pangalan ni Reyes dahil sa pagbubulgar ni dating budget officer Lt. Col. George Rabusa sa iba’t ibang katiwaliang nangyayari sa AFP. Bukod kay Reyes, dawit din ang ilang dating AFP chief of Staff at mga mataas na opisyal ng militar.
Ayon kay Rabusa, sa utos daw ni General Garcia binigyan niya si Reyes ng P50-milyon pabaon nang magbitiw na ito bilang chief of Staff maliban pa sa milyun-milyong pocket money at bonuses na buwan-buwan daw nitong tinatanggap at mga personal na gastusin kapag nagbibiyahe sa labas ng bansa. Sinabi ni Rabusa na iba pa raw ang malaking perang ibinibigay nila sa asawa ni Reyes kapag nangailangan ito lalo na kapag nagbibiyahe ito at mga kaibigan sa labas ng Pilipinas.
Sa kahuli-hulihang hearing kung saan pinaulanan ng sunud-sunod na mga katanungan, marami ang nakahalata na masyadong alumpihit si Reyes na para bang gusto nang makawala sa pagkakaupo subalit pinipigilan lamang ang sarili. Alam ng marami na marahil ay ngayon lamang nakaranas si Reyes ng panlalait, pang-iinsulto at pambabastos mula sa mga senador at ng witnesses.
Ako man ay nagimbal sa pamamaraan ng pagtatanong ng dalawang senador kay Reyes. Nilait o inalimura nila si Reyes. Dapat sana, binigyan nila ng respeto ang heneral dahil humawak ito nang pinakamataas na tungkulin sa military, defense at sa Gabinete. Itinaya niya ang buhay dahil sa pakikipaglaban sa Mindanao. Pinagsalitaan na agad siya nang masasakit gayung hindi pa naman napapatunayan kung siya nga ay may kasalanan.