'Di man kasalanan, may pananagutan naman'

HUMARAP na sa BITAG ang eskuwelahan kung saan nagtatrabaho ang Dean na nahulog sa BITAG kamakailan sa kasong paglabag sa R.A 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.

Hindi muna namin babanggitin ang pangalan ng eskuwelahan sa ngayon, subalit aminado ang pamunuan nito na hindi nakaabot sa kanila ang kalokohan ng kanilang College of Hotel and Restaurant Management dean.

Tungkol naman sa kuwatro o kuwartong alok ng dean sa kanyang estudyante na nagsimula pa noong 2009 hanggang sa kasalukuyan, hindi raw ito nakaabot sa kanila.

Patuloy umano ang implementasyon ng eskuwelahan kung ano ang naaayon sa batas na mula sa Commission on Higher Education gayundin ng kanilang eskuwelahan para sa kapakanan ng kanilang mga estudyante. 

Ganunpaman, hindi maiwasang maglaro sa aming isipan na hindi ito matagumpay na magagawa ng dean kung hindi nakipagsabwatan ang iba pang propesor ng nasabing college department.

Sa sumbong ng estudyanteng biktima, tinatanong pa raw siya ng kaniyang mga propesor kung bakit pumapasok pa ito sa eskuwelahan gayung may grado na ito sa kanila. 

Parte raw ito ng alok ng dean sa estudyante na kahit hindi na siya pumasok ay may grades na siyang makukuha basta sumunod lamang siya sa lahat ng gusto ni dean.

Dagdag pa ng biktima, sa mismong gitna ng klase, ipinapatawag siya ni dean sa opisina nito. Wala naman daw palag ang kanyang mga propesor, dito raw siya nagsimulang makarinig ng usap-usapan na “bata” umano siya ng dean.

Nakakapagtaka lamang na ni isang propesor o guro sa nasabing college department, wala man lamang umangal sa ginawang ito ng dean o iparating lamang sa kinauukulan ng eskuwelahan ang kakaibang kilos nito sa kanyang etudyante.

Hindi maiaalis na isiping may sabwatan  sa pagitan ng dean at mga propesor ng nasabing College Department kung kaya’t nagtagumpay ang dean sa kanyang paggamit sa biktima kapalit ang mga pasadong grades nito.

Ganunpaman, nagsalita ang pamunuan ng eskuwelahan na hindi nila kinokondena ang ganitong gawain. Kasalukuyan na silang nagi-imbestiga sa buong departamentong hinawakan ng na-BITAG na dean.

Subalit ang masakit na katotohanan, wala mang kasalanan ang eskuwelahan sa kalokohan ng dean, hindi maiaalis na malaki ang kanilang pananagutan sa bagay na ito. 

Ang buong detalye, ngayong Sabado ng gabi sa BITAG.

Show comments