LUMALAKAS ang panawagan ng pagrehistro nang lahat ng SIM card ng mga cell phone, kasama na ang mga pre-paid card. Ito ay matapos malaman na isang improvised explosive device (IED) ang ginamit sa pagbomba sa isang bus sa Makati noong isang linggo. Cell phone umano ang ginamit para pasabugin ang bomba.
May pinaplanong panukalang batas ukol sa pagrehistro. Natural, may mga tumututol. Paglabag daw sa karapatang pribado. Kung lahat ng SIM card ay may katapat na pangalan, mukha at tirahan, hindi na basta-basta magagamit ang cell phone sa criminal activity. Puwedeng higpitan ang pagrehistro katulad ng pagpapakita ng isa pang ID na pareho ang nakalagay na pangalan, mukha at tirahan. Mga dokumento katulad ng passport, lisensiya ng pagmamaneho, ID ng kompanya at iba pa. Kung kriminal ka o terorista, isa sa pinakaayaw mo ay malagay ang larawan sa kung saan-saan di ba?
Titigil na rin ang mga pambabastos at paninira sa text dahil malalaman na kung kanino galing ang masasamang mensahe. Mga kabastusan, mga banta sa buhay, lahat na! Alam ko iyan dahil ilang beses na rin akong nabiktima at nakatanggap ng mensahe mula sa mga taong gusto akong siraan at saktan. Kung rehistrado ang SIM card, matitigil na ang kaduwagan ng iba!
Depende na rin talaga sa panahon kung bakit may mga panawagang katulad nito. Dati hindi naman pinatatanggal ang sapatos at sinturon bago makalipad. Pero dahil sa 9/11, napilitang gawin ito. Kung marami namang naka-post-paid na plan, bakit magrereklamo ang mga pre-paid? Magrereklamo lang siguro ang mga ayaw malaman kung sino sila. Walang dapat ikabahala kung walang tinatago. At bakit naman tututol ang mga kompanya ng cell phone sa pagrehistro ng mga pre-paid SIM card?
Para magtagumpay sa laban sa krimen at terorismo, dapat lahat nagtutulungan, at hindi sariling benepisyo lang ang iniisip. Maliwanag na may nagaganap na destabilisasyon ng gobyerno mula sa mga kaaway, mga naiinggit at mga may kasalanan. Ngayon dapat magkapit-bisig para harapin sila at siguraduhing hindi sila magtatagumpay.