NASA gitna na naman ng kontrobersiya ang Armed Forces of the Philippines ngayon dahil nga sa milyun-milyon umanong pabaon at maging bilang welcome present para sa mga outgoing at incoming chief of staff nito.
Matagal nang usap-usapan ang pabaon system ngunit ngayon lang talaga lantaran nang may isang dating budget officer na umamin tungkol sa naging tradisyon na ginagawa ng mga nakakataas na opisyales nito.
Nakalulula ang mga halagang tinatamasa ng mga AFP chief of staff habang kahabag-habag naman ang naging sitwasyon ng ating mga sundalong nasa frontline ng giyera lalo na yong mga nasa Mindanao.
Kung tutuusin buti na lang hindi nagawang mag-alsa ng mga sundalong ito na ang mga boots ay butas-butas at mga uniporme minsan ay gutay-gutay at hindi sapat ang kanilang supply na pagkain habang nasa assignment nila. Ang mga sundalo pa nga natin ang minsan bumili sa sarili nila ng kinakailangan nilang gamot tuwing sila ay nagkakasakit.
Lumulusob sa giyera na gutom ang mga magigiting nating sundalo habang busog naman sa pabaon ang mga naging chief-of-staff ng ating AFP.
Ngunit heto pa nga ang tanong--- magkano nga ba ang kailangan upang maging isang Defense Attache na kakatawan sa ating mahal na Pilipinas sa ibang bansa?
Ayon sa aking source maging ang pagpili ng kung sino ang maging Defense Attache at kung saan ang assignment ay may nakalaan ding iba’t-ibang rate na hinihingi ang nakakataas, partikular na raw bilang regalo sa kung sino ang chief-of-staff.
Ang paging Defense Attache ay talagang minimithi lalo na nang mga nasa intelligence unit ng AFP. Ito yong assignment na makakabawi na rin sa mga kani-kanilang pamilya ang ating mga opisyal kasi nga pinapayagan naman silang dalhin ang mga asawa’t mga anak sa kung saang bansa sila madedestino.
Ngunit bukod pa sa pahirapan at sa kompetisyon na umiiral sa nga opisyales natin upang makamit lang ang prestihiyosong title na Defense Attache’, kailangan nga raw munang maglabas ng malaking halaga ang isang interesadong opisyal bago mapirmahan ang kanyang appointment.
Paiyakan nga raw at minsan nga gasgas na ang tuhod at siko ng ilan sa kanila dahil sa kagagapang kung kailangan nilang agawin sa iba ang puwesto.
Anong Al-Khobar?
Puwede ba, dahan-dahan ka naman Police Director Nicanor Bartolome, hepe ng National Capital Region police regional office, sa iyong statement na Al-Khobar ang may kagagawan ng huling pagsabog ng bus Sa EDSA-Makati dahil nga lang may nakikitang signature ng naturang grupo sa nagdaang pagsabog.
Ang Al-Khobar ay isang extortion group na nakabase sa Southern at Central Mindanao. Ang naging style nila ay sumusulat sila ng extortion letters sa mga bus companies na dumadaan sa Davao-Cotabato highway o di kaya’y yong galing Bukidnon at Cagayan de Oro at patungong Tacurong o Sultan Kudrat.
Hindi nawawala ang extortion letters sa anumang nagdaang pagsabog na sinasabing kagagawan nga ng Al-Khobar. Parating naging reklamo ng mga bus companies na hinihingian nga sila ng Al-Khobar.
Wala namang sinabing extortion letter na natanggap ang Newman Goldliner bago naganap ang pagsabog. At ang Al-Khobar kasi notado na rin na gumagalaw lang sa mga area na malapit sa teritoryo nila sa Central Mindanao. Hindi sila lumalayo sa kuta nila. Ang layo ng Makati sa Liguasan Marsh na kung saan nagtatago ang Al-Khobar.
Kaya sana dahan-dahan si Director Bartolome at iba pang opisyal natin sa pag-akusa na ang pagsabog sa Metro Manila ay kagagawan ng mga taga-Mindanao. Dahil nga lang 81mm mortar ang improvised explosive device ang gamit sa pagsabog ng bus noong Martes sa Makati eh, kaagad sabihin ni Bartolome na taga-Mindanao na agad?
Kahit sino, maging ang military at pulis ay puwedeng gumawa ng IED na gawa sa 81 mm mortar. Kahit mga taga Metro Manila ay makakagawa rin ng ganun.
Bakit hindi muna isipin ni Director Bartolome ang timing ng pagsabog?
Sino ba ang magbebenipisyo pag may pagsabog na magaganap? Sa kalagitnaan iyon ng imbestasyon ng carjacking cases against sa notorious Dominguez brothers at umaabot na ang usapan sa kung sino ba ang mga protector ng grupo nila sa gobyerno at sila ay malayang nakakagawa pa rin ng kanilang krimen?
Possible din naman na ang mga sangkot sa carjacking ang may gawa ng pagsabog dahil nga gusto nilang ma-divert yong attention sa ibang bagay at makalimutan na ang nagaganap na pagsisiyasat sa kung sino nga ba ang padrino ng grupo nila sa loob ng LTO at maging sa Philippine National Police.
Sana huwag naman husgahan agad na pag may sumabog sa Metro Manila ay taga-Mindanao agad. Ano kaya kung may mangyayari sa Mindanao ay sasabihin din ng mga taga-rito na kagagawan ng mga taga-Metro Manila?