KWIDAW sa mga mandaraya at manlolokong kompanya na dinuduktor ang kuwenta ng kanilang mga babayarang buwis sa gobyerno.
Wala na raw lusot at matutuklasan kung ano ang totoo at kung magkano ang dinaya ng bawat kompanya sa pagdedeklara ng kanilang buwis.
Eto ang babala ng Quezon City Treasurer’s Office sa pangunguna ni City Treasurer Ed Villanueva. May sistemang ipinapatupad ngayon ang nasabing siyudad upang makapagbayad ng tamang business taxes ang lahat ng kompanya sa Quezon City.
Hinigpitan umano ng tanggapan ang pagtanggap, pag-eeksamin, at pag-apruba sa bawat statement of accounts na ipapasa ng bawat kumpanya.
Una, wala na ang mga branches o satellite offices ng Quezon City dahil estilo umano ng iba na kapag hindi nakalusot sa isang branch ng pagbabayad ng buwis, lilipat lamang daw ang mga ito sa ibang branch kung saan sila makalulusot.
Ikalawa, para sa mga korporasyon, nakipagsanib puwersa na ang lungsod sa Security Exchange and Commission upang makita ang idineklarang financial statement ng inyong kompanya.
Dito ikukumpara ng tanggapan ng tresurero kung tama rin ang ipinasang financial statement na pagbabasehan ng kanilang babayarang buwis.
Ikatlo, para sa mga kompanyang hindi korporasyon, hindi porke’t hindi kayo rehistrado sa SEC ay makalulusot na kayo dahil may memorandum naman ang Quezon City sa Bureau of Internal Revenue para masilip ang inyong mga record.
Pang-huli, wala nang dahilan upang ikatwiran nang sinu- mang kompanya na hindi sila umabot o kinulang ang kanilang preparasyon sa limitadong oras ng tanggapan ng gobyerno.
Mula Lunes hanggang Linggo, hangga’t may tao. Mapa-umaga man o gabi, hangga’t may taong nasa tanggapan upang magba-yad, bukas ang Quezon City para iproseso ang inyong babayarang buwis.
Bukod rito, personal na pinipirmahan ng tresorero ng Lungsod ang lahat ng papeles upang aprubahan ang dokumentong ipinasa ng anumang kumpanya. Maaari raw dayain ang kanyang pirma subalit ang hugis ng kanyang mukha na itinatatak mismo sa mga dokumento, hinding-hindi magagaya.
Panawagan ng Quezon City Treasurer’s Office, may pagkakataon pa ang bawat negosyo’t establisimento na makapagbayad hanggang katapusan ng buwan ng Enero. Handa umano ang mga kawani ng kanilang tanggapan na magproseso hanggang alas-12 ng madaling araw bago mag-Pebrero 1.
Habang sinusulat ang kolum na ito, nasa P1.7 bil-yon na ang nakolektang buwis ng Quezon City. Doble ang taas umano kumpara noong nakaraang taon.
Sa mga nahuli at nadiskubreng nandadaya sa pagbabayad ng kanilang buwis, sori na lang kayo. Sa mga nagbabalak pa, kwidaw kayo.