Takot sa Diyos?

ITO ang pahayag ng ina ng magkapatid na Dominguez na itinuturong mga utak umano sa pagnanakaw ng sasakyan at pagpatay sa may-ari na si Venson Evangelista. May dalawang suspek na hawak ang mga pulis, at sila ang nagturo sa magkapatid na Dominguez. Hindi na bago ang akusasyon ng carnapping sa mga Dominguez at ilang beses na silang akusado pero nakakapagpiyansa. Pero ngayon lang sila itinuro ng umano’y tao rin nila, at ngayon, may kasama nang pagpatay. Mabigat ang akusasyon. Siguradong mabigat din ang parusa kung mapapatunayan na may sala talaga sila. Kaya ang sagot sa ganyang sitwasyon – Diyos.

Mawalang-galang na sa ina ng magkapatid na Domin­guez, pero nagsasawa na talaga ako sa ganyang pa-nanalita sa tuwing may nahaharap sa mabigat na krimen. Tila gamot ang Diyos, na puwedeng panangga sa lahat ng akusasyon na nilalatag sa isang suspek. Hindi na bago iyan. Mga akusado sa pagpatay sa kaibigan, may hawak na Bibliya kapag nahuhuli na. Mga iba, nagpapalit ng relihiyon. Mga iba, dati pa ngang sakristan. Si Carlos Garcia, araw-araw daw nagmimisa! Marami pa riyan ang biglang natatagpuan ang Diyos kapag nakakulong na.

Walang masama kung talagang makikilala ng isang tao ang Diyos kapag nalalagay na sa desperadong sitwasyon. Ang sa akin lang, iwan na natin ang paghahatol ng Diyos sa tao para sa anumang mga kasalanan na ginawa niya. Darating ang araw na haharap naman ang lahat sa Panginoon para mahatulan. Pero sa ngayon, batas ng tao ang nalalabag, kaya hustisya ng tao ang mangingi-babaw. Wala nang kinalaman ang Diyos diyan. Hindi dapat pinangsasangga at pinangangatwiran ang Diyos.

Sa totoo nga, naniniwala ako na maraming okasyon kung saan ang mga magulang ang huling nakaaalam ukol sa totoong pagkatao ng kanilang anak. Hindi naman ipaaalam ng mga anak sa mga magulang na mga kriminal na sila di ba? Kaya hintayin na lang natin ang pag-usad ng kaso, kung sinu-sino ang malalamang may sala sa mga krimen na ito. Huwag na natin istorbohin ang Diyos. Nakikita naman niya ang lahat, alam niya ang lahat, nakahanda na ang paghahatol sa takdang panahon. Sa ngayon, ang hatol ng tao ang bantayan natin.

Show comments