ANO ang mayroon sa loob ng piitan na puwedeng makapagbago sa isang masamang tao upang maging mabuti?
Marami nang mga dating pusakal na kriminal na matapos mabilanggo ay nagsasabi ngayong nakilala nila ang Dios. Ang buhay nila nagbago tungo sa mabuti. Marami sa kanila ang naging mga Pastor na nagpapalaganap sa Salita ng Dios.
Matapos mapiit nang labinglimang taon sa kasong Vizconde massacre, sinasabi ngayon ni Hubert Webb na hindi nasayang ang mahabang panahon niya sa loob ng National Penitentiary dahil doon niya nakilala ang Dios. Biblia ang tangi niyang kaulayaw upang ang pait ng pagiging bilanggo nang mahabang panahon ay maibsan. Ganyan din ang sinasabi ng co-accused niyang si da-ting Parañaque Police Gerardo Biong. Dios lamang ang nakatatalos sa kanilang sinseridad pero hindi lamang sila kundi marami pang nauna sa kanila ang nakakilala sa Dios at nabago ang buhay sa loob ng bilangguan.
Dapat marahil pasalamatan ang mga instrumentong ginamit ng Dios upang mag-minister sa mga bilanggo. Mga misyonerong inilaan ang buhay sa kanilang prison ministry para akayin sa pagkakilala sa Dios ang mga taong naligaw ng landas at naging kriminal.
Isang seremonya upang parangalan ang mga beterano ng ikalawang digmaan na nakulong sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa ang takdang isagawa ng mga American missionaries sa pangunguna ni Olga Robertson ng Calvary Chapel, Costa Mesa, USA. Kaugnay ito ng gaganaping Rally for Jesus na gaganapin mula Enero 27 hanggang Enero 29 sa Sunken Garden, NBP Compound.
Ang bilangguan sa Muntinlupa ay ginamit ding piitan ng mga mananakop na Hapones sa mga gerilyang lumaban sa kanila noong digmaan. Ayon sa tagapangasiwa ng krusada na si Ptr. Renan Tibudan at Ptr. Mel Magsino, layunin ng krusada na palakasin ang samahan ng mga Christian Pastors sa Mun-tinlupa na nagmiminister — hindi lamang sa mga bilanggo kundi maging sa mga nasa laya sa siyudad ng Muntinlupa.
Suportado rin ng mga lokal na opisyal ng Muntinlupa ang krusada sa pangunguna ni Mayor Aldrin San Pedro at Vice Mayor Artemio Simundac.