BUKAS, Sabado, sa IBC 13 mapapanood ang katatapos na operasyon ng BITAG kasama ang National Bureau of Investigation-Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD).
Hinggil ito sa mga prosting menor-de-edad na babae, katorse hanggang disisiyete-anyos galing sa mga probinsiya ng Samar, Leyte, Quezon at Bicol.
Ang mga menor-de-edad na ito ay pinangakuan ng trabahong pagkakatulong sa Maynila subalit sapilitang ginawang pokpok na dini-deliver sa hotel sa Binondo Suites.
Ibinahay ang mga biktima sa dalawang apartment sa Caloocan City kung saan sa bawat bahay umaabot sa 22 babaing menor-de-edad ang nakatira.
Isang Tsino umano ang maintainer ng sinasabing dalawang “casa” ng mga menor-de-edad na babae.
Umano’y isang Honghong Kian na ang gamit na pangalan sa Pilipinas ay Kevin Kian ang nasa likod ng aktibidades na ito.
Ang mga kliyente, eksklusibong mga Chinese kung saan sa Binondo Suites dini-deliver ang kanilang mga order na batang babae.
Tatlong buwang tinutukan ng BITAG ang kasong ito upang makumpirma ang kinasangkutan ng mga menor- de-edad na ito. Ito ay dahil sa paglapit sa amin ng isang asset na si Rosanna.
Natukoy at binantayan ng BITAG ang dalawang apartment at maging ang hotel. Dokumentado ang bawat kilos at galaw ng mga taong naispatan ng aming surveillance camera.
Dalawang BITAG undercover na parehong Tsinoy ang nakipagtransaksiyon upang mapasok ng BITAG ang grupong ito.
Ang kalakaran, mula sa front desk hanggang sa security guard ng hotel, kasabwat at alam ang gawaing ito. Dito, pinag-aralan ng BITAG kasama ang NBI-AHTRAD sa isasagawang rescue operation sa mga biktima.
Ilang araw bago mag-pasko, matagumpay na na-rescue ang tatlong menor de edad na babae sa loob mismo ng isang kuwarto sa Binondo Suites kasama ang bugaw nito.
Abangan ang buong detalye bukas ng alas-9 ng gabi sa BITAG.