KOMO trouble-shooter ni President P-Noy ang magiging appointment ni dating Sen. Mar Roxas, sino kaya ang unang “trouble” na masu-“shoot”? Iyan ang tanong ng marami.
Ang pangamba ng ilang Mambabatas, baka ang first victim ay si Vice President Jejomar Binay. Sana’y maling pangamba ito. Ang basehan kasi ay tinalo ni Binay si Mar sa nakaraang vice presidential polls.
Ayon kay House Senior Deputy Minority Leader Rep. Danilo Suarez, ang pagpasok ni Roxas sa Team P-Noy ay maaaring iugnay sa 2016 presidential elections at 2013 mid-term elections.
Nang talunin ni Binay si Mar, hindi makapaniwala ang kampo niya na naungusan sila ng mukhang long-shot na si Binay. Nagsampa sila ng protesta sa Presidential Electoral Tribunal hinggil sa pagkapanalo ni Binay. Masama rin ang loob ng Roxas camp na mayroon umanong grupo na nagsulong sa tambalang Noynoy-Binay.
Bagaman naniniwala ang kongresista mula sa Quezon na magiging patas pa rin ang pagtrato ni Noynoy kay Binay, dapat tingnang ang posibleng relasyon nina Roxas at Binay sa official family ng Pangulo.
Inihayag kamakailan ni Aquino na bibigyan niya ng puwesto si Roxas bilang “chief troubleshooter” ng kanyang administrasyon. At dahil nananatiling sariwa pa ang sugat ni Roxas, nangangamba si Maguinda-nao Rep. Simeon Datumanong na baka magkaroon ng paghihiganti sa bahagi ni Roxas laban kay Binay. Sana naman ay hindi ganyan ang game plan ni Mar. Pero kung totoo ang hinuha ng iba, papaano na?
Kaya sabi ng ilang political analysts, dapat pag-isipang mabuti ng Pangulo kung nararapat italaga si Mar sa naturang posisyon na baka lalung magpalubha sa pagkakahati ng kanyang administrasyon. Baka dagdag pa ito sa sakit ng ulo ni P-Noy sa mga paksyong nagpapasakit sa kanyang ulo: Ang Samar at Balay.