ANG “plea bargain agreement’’ sa pagitan ng Office of the Ombudsman at dating AFP comptroller retired Gen. Carlos Garcia ay mahirap bang paniwalaan na mayroong corruption? Si Garcia ay nahatulan at ginawaran ng parusang hard labor ng military court. Nagkamal daw ito ng hindi kukulangin sa P300-milyon at hanggang ngayon ay iniim-bestigahan pa ng military kung sino pa ang mga kasama nito sa military at sa Department of National Defense (DND).
Ang dalawang anak ni Garcia ay nahuli sa US airport habang nagpapasok ng $100,000 na maliwanag namang labag sa batas. Si Garcia, kanyang asawang si Clarita at tatlong anak na lalaki ay kinasuhan ng plunder. Lalong nabaon sa paglabag sa batas si Garcia nang nagpaliwanag si Clarita, isang US citizen, sa mga US immigration investigators kung saan at paano siya nagkaroon nang malaking salapi. Sinabi nito na bigay daw sa mister niya ang mga pera na nanggaling sa mga natutulungan nito.
Patunay ng corruption noon ay nang pumayag ang Ombudsman sa pakiusap ni Garcia ng “plea bargain agreement” na mag-plead guilty na lamang sa mas mababang pagkakasala ng direct bribery at money laundering . Ang palusot ng Ombudsman at Garcia, masyado raw mahina ang kasong plunder laban sa retiradong heneral kaya ibinaba ang kasalanan nito. Ang bail ni Garcia para makalaya ay P60,000. Ibabalik ni Garcia ang P135-milyon mula sa nakulimbat na P303 milyon.
Kayo, ano sa palagay n’yo, hindi ba pagnanakaw sa salapi ng bayan ang ginawa ni Garcia? Dapat bang pagtiwalaan ang Ombudsman na dapat taga-protekta ng bayan at mamamayan. Dati nang mayroong mga atake ng corruption sa Ombudsman na pati ilan sa mga opisyal nito ay napagsusupetsahang may kalokohang ginagawa. Napapalusutan lamang nila ang mga ibinabato sa kanila at sinasabi nilang paninira lamang daw sa kanila ang mga ito.
Kung hindi pa kayo kumbinsido na may kalokohang ginagawa ang mga taga-Ombudsman, hintayin ang resulta ng imbestigasyon ng DND at military sa mga kaututang-dila ni Garcia.
Inumpisahan na ni Parañaque Rep. Roilo Golez ang pagbabandera na dapat imbestigahan kaagad si dating DND Sec. Angelo Reyes sapagkat maaaring may kinalaman ito sa mga krimen ni Garcia. Padrino umano ni Garcia si Reyes. Kasama rin daw sa mga pinagsususpetsahan ang ilang matataas na opisyal ng DND at AFP.