MARAMING pulis na umaabuso sa kapangyarihan. At dahil sa kanilang pagmamalabis kaya nadungisan nang husto ang imahe ng Philippine National Police (PNP). Hindi na makabangon sa kahihiyan ang PNP. Noong nakaraang taon ang itinuturing na pinakamaraming pag-abuso sa tungkulin ng mga miyembro ng PNP. Bagamat marami pa rin naman ang mga mabubuting pulis, mas natatakpan ito ng ginagawa ng mga abusado nilang kabaro.
Isa sa mga nakaka-shock na pangyayari noong nakaraang taon na kinasangkutan ng pulis ay ang pag-torture sa isang suspect habang nasa loob ng presinto. Ang pulis ay nakilalang si Senior Insp. Joselito Binayog, hepe ng Asuncion, Tondo precinct. Nakunan ang ginagawang pag-torture ni Binayog sa isang lalaking hubu’t hubad na nakahiga sa semento. Si Binayog na nakasuot sibilyan ay nakunan habang hinihila ang isang tali na ang dulo ay nakatali sa “ari” ng suspect. Sa tuwing hihilahin ni Binayog ang tali ay umaaringking at nagkakakawag sa sakit ang suspect. Bukod kay Binayog, nanonood din ang iba pang pulis sa nasabing presinto. Maririnig din ang tawanan habang kinukunan ang pag-torture.Makaraang mabulgar ang pag-torture ay itinanggi naman ni Binayog na siya ang nasa video.
Kamakalawa, sinabi ng PNP na sinibak na si Binayog sa puwesto. Walang makukuhang benepisyo si Binayog. Haharapin pa ni Binayog ang ibang criminal charges sapagkat kinasuhan din siya ng Commission on Human Rights sa paglabag sa karapatang pantao.
Mabilis ang hustisya para sa inabusong suspect. Wala namang sinabi ang PNP sa iba pang pulis na nanonood sa pagtorture sa suspect. Maaari silang kasuhan na kasabwat ni Binayog sa pagpapahirap sa suspect.
Isa pang pulis, si PO3 Antonio Bautista Jr. ng Manila Police District ang maaari ring sumunod sa yapak ni Binayog. Inakusahan si Bautista ng panggagahasa sa isang vendor sa loob mismo ng opisina ng MPD. Inaresto umano ni Bautista ang vendor sa Carriedo at saka dinala sa MPD headquarters at doon ginahasa at ninakawan pa. Kahapon ay sumuko na si Bautista sa Department of Justice.
Sana mabilis din ang paggawad ng katarungan sa inabusong vendor. Katulad ni Binayog, hindi dapat sa PNP ang katulad ni Bautista. Magsilbi naman sanang babala sa mga abusadong pulis ang nangyari. Huwag sana nilang tularan sina Binayog at Bautista.