Utak talangka, utak kriminal!

UTAK talangka. Sa Ingles, “crab mentality”. Ito yung ugali ng mga talangka na hilahin pababa ang mga kapwa talangka na nakaaangat na sa kanila. Madalas binabanggit ang insultong ito sa mga Pilipino. Dahil sa inggitan, may mga okasyon na sisiraan ang mga mas nakakaangat na sa buhay. At hindi lang sa Pilipinas nangyayari, kundi pati sa mga Pilipino sa Amerika! May mga narinig akong mga kuwento kung saan sinusumbong ng mga kapwa Pilipino ang mga Pinoy na wala pang ligal na pahintulot manatili o magtrabaho sa Amerika at gumaganda na ang mga buhay. Kaya na dedeport pabalik sa Pilipinas at nawawala lahat ng pinaghirapan.

Pero mukhang hindi lang mga Pilipino ang may ganitong kaugalian. Laman ng balita ang pagkidnap sa isang Indian national ng mga pulis Quezon City. Tinanggal na sa tungkulin at suspindido ang anim na pulis Quezon City dahil dito. Kakasuhan sila ng kriminal at administribong kaso. Sa patuloy na imbistigasyon sa insidente, mga Indian nationals din ang nasa likod ng mga pagkidnap, pangongotong, pati na pagpatay sa kapwa nilang Indians! Lumalabas na may sindikato na ng mga Indian nationals na bumibiktima sa mga mayayamang Indian na nasa bansa. At mga “scalawags” ng PNP ang inaarkila para gawin ang kanilang mga kriminal na aktibidad!

Ang krimen talaga ay walang sinasanto. Basta’t may pagkakataong makakuha ng pera na hindi naman pinaghirapan, papasukan. Higit 200,000 Indian nationals na raw ang nasa bansa. At may mga mayayaman. Mga nagtatrabaho sa mga malalaking multinational na kompanya, mga may malalaking IT na negosyo katulad ng mga call center, o mga nasa embahada. At ngayon, may mga kriminal na Indian nationals na rin sa bansa! Kailangan nang bantayan ang pagpasok ng lahat ng Indian nationals dahil baka mga miyembro na ng sindikato!

Ang bilang ng mga Koreano ay lumalaki na rin. Sila na ba ang susunod na mabibiktima ng sarili nilang kababayan? Bagong sakit ng ulo para sa PNP, na mismong may mga malalaking problema sa imahe at tiwala ng mamamayan dahil sa pagkakasangkot nang maraming pulis sa mga krimen. Mga pulis na pumapayag mabili at gumawa ng krimen, para sa pera. Napakasama!

Show comments