HINDI pa man sumasapit ang paghihiwalay ng taon, dumadami na ang mga biktima ng paputok. Kung hindi naputukan ng malakas na rebentador, nalason dahil kumain ng pulbura! Grabe na ito.
Ang payo ng Department of Health noon iwasan na ang paputok at gumamit na lang ng torotot. Pero kamakalawa lang, nagwarning din ang DOH na kahit torotot ay mapanganib dahil may kaso ng mga batang nalulon yung pinakapito ng torotot.
Ah, isolated case na iyan. Palibhasa mga paslit, siguro kusang tinanggal yung parteng tumutunog sa torotot at nalulon.
Para sa akin, ang pinakapeligroso ay ang mga rebentador o ano mang klase ng pyrotechnic na may pulbura. Pabor ako sa total ban ng paputok. Tiyak aangal ang mga manufacturers pero paano naman yung mga napuputulan ng kamay, nabubulag o namamatay dahil sa rebentador. Taun-taon ay malaki ang bilang ng mga casualty.
Marahil, kung hindi man puwedeng i-abolish ang industriya ng pyrotechnic, i-regulate na lang. Huwag nang ipahintulot ang paggawa ng sobrang lakas na rebentador at huwag payagan ang mga menor-de-edad na bumili ng mga ito. Yun na lang nasa wastong edad ang puwedeng magsindi ng rebentador.
Kaso kahit mga matatanda ay nadadale rin lalu na kapag nagsindi ng rebentador na nakatoma. Hindi bale sana kung yung nagpaputok ang madadale eh. Pero kung minsan, may mga innocent bystanders na napuputukan ng mga rebentador na sinindihan ng iba.
Pang-alis ng malas? Tingnan natin kapag ikaw ang nabiktima! Hay! Sana makaraos ang Bagong Taon na kumpleto ang ating mga daliri sa kamay at paa at hindi tayo nabulag.