'Nahihirapan akong lumunok'

Dear Dr. Elicaño, maligayang Pasko po at mapayapang Bagong Taon sa iyo at sa iyong pamilya.

Itatanong ko lang po ang may kaugnayan sa thyroid gland tumor. Ano po ba ang dahilan at nagkakaroon nito. Totoo po bang kapag masakit ang lalamunan at nahihirapang lumunok ay may tumor na? Kasi po may nakakapa akong bukol sa aking lalamunan at nahihirapan akong lumunok. Hindi ko pa magawang makapagpa-check-up dahil sa kakulangan ng pera. Gusto ko pong makuha ang inyong opinion ukol sa thyroid tumor.

Marami pong salamat.

— Laura Largo, Earnshaw St. Sampaloc, Manila

Maligayang Pasko rin sa’yo Laura. Ipinapayo ko sa’yo na agarang magpa-check-up para malaman kung ano ang dahilan at may nakakapa kang lump (bukol) sa lalamunan at nahihirapan kang lumunok. Mahirap magsabi kung yang nararanasan mo ay dahil sa tumor kaya dapat ma-check-up.

Ang mga sintomas na may thyroid gland ay may nakakapang bukol sa lalamunan at hindi ito masakit. Pala­tandaan din kapag nahihirapang lumunok pero marami ang dahilan kung bakit nangyayari ito. Kaya nga dapat kang magpa-check-up.

Ang thyroid gland tumor ay ang pagkakaroon ng malignant cells sa mismong thyroid gland mismo. Ang dahilan nito ay hindi malaman subalit sinasabi na ang sobrang pagkalantad (exposure) sa radiation sa bahaging dibdib, leeg at ulo noong bata pa ang posibleng dahilan. Sinasabi ring dahilan ay ang pag-treat sa tonsillitis noong bata pa kung saan ay ginamit ang radiation therapy.

Para magamot ang thyroid tumor, kinakailangang alisin ang bukol at ang bahagi ng thyroid gland. Maaaring guma-mit ng antithyroid drugs or thyroid hormones depende sa type ng tumor. Karamihan ng thyroid tumors kahit na ang malignant na ay madaling magamot kung made-detect nang maaga. Kaya ipinapayo ko sa lahat na kapag may nakapang bukol sa lalamunan at dumanas nang masakit na paglunok, kumunsulta agad sa doktor.

Show comments