ENERO 2005 pa nang manalo sina Adela Velasco at walong empleyado ng reinstatement with back wages sa electronics company. Nagmatigas ang kumpanya; ipinalipat ang pasyang illegal dismissal kay Arbiter RJ ng National Labor Relations Commission. Kasabwat ang isa sa walong empleyadong si RT at labor lawyer nilang Atty. DA, nilatag ni Arbiter RJ ang “kalakaran”. Imbis na ipatupad ang dagliang pagbalik sa trabaho, ipina-deposito niya ang back wages sa bank account sa pangalan ni RT. Mula umano rito kukunin ni Atty. DA ang legal fees at panggastos. Halos 40% na lang ang matitira sa mga empleyado, pero hindi pa nila ito maari i-withdraw dahil umapela ang kumpanya.
Isinampa sa Court of Appeals ang kaso: Nanalo muli ang siyam na empleyado; kinatigan ang orihinal na desisyong illegal dismissal, kaya dapat immediate reinstatement with back wages. Umabot sa Korte Suprema; panalo pa rin ang siyam. Itinala ang Entry of Judgment nu’ng Sept. 2010, effective April 2010; ibig sabihin, ipatupad agad ang desisyon.
Ayon sa proseso, ang magpapatupad ay ang NLRC. Kaya balik muli ang papeles kay Arbiter RJ. Wala siyang mai-release na buong suweldo sa siyam na empleyado, dahil kinupit na ni Atty. DA ang 60%. Ang masaklap pa, imbis na obligahin ang kumpanya na agarang iempleyo muli ang siyam, pinapayuhan sila nina Arbiter RJ at Atty. DA na “makipag-areglo” na lang sa kumpanya. Pumayag na lang umano sila sa settlement offer ng employer, para hindi na humaba pa ang usapin.
Malinaw na niloloko nina Arbiter RJ, Atty. A at employee RT sina Adela Velasco. Wala nang aregluhan sa kaso dahil final and executory na ang desisyon ng Korte Suprema. Dapat ipatupad na lang ito imbis na ipitin ang mga empleyadong ilegal na tinanggal.
Umangal si Adela Velasco sa ginagawa ng tatlo. Sumangguni siya sa ibang abogado. Napag-alaman niya na lumang raket na sa NLRC ang ginagawa nina Arbiter RJ at Atty. DA.