TULAD ng inaasahan, pinawalang sala ng Korte Supre-ma ang mga pangunahing nasasakdal sa Vizconde rape at triple murder case. Inaantabayanan ang ganitong resulta mula nang inamin ng pamahalaan na ang sampol ng semilya na hango sa katawan ng biktima na maari sanang mapagkunan ng DNA ay nawala sa kanilang kustodiya. Bagamat wala pang naunang kasong katulad nito na maaaring maging modelo, malinaw na, para sa Mataas na Hukuman, kritikal ang ebidensiyang ito upang tanggalin ang lahat ng duda.
Sa inilabas na desisyon kahapon, ni hindi ito kinaila-ngang gamitin na batayan. Ang desisyon ay isinulat ng hinahangaang mahistrado na si Justice Bobby Abad at bagamat hindi pa nailalathala sa publiko ang kabuuan ng desisyon, nasabi ni Court Administrator at SC Spokesman Midas Marquez, na kakulangan ng ebidensiya ang pangunahing dahilan kung bakit hindi kinatigan ang hatol ng mababang hukuman. Noong sariwa pa sa isip ng publiko ang mga kaganapan ng napaka-sensational na kasong ito, walang katwiran ang maaaring magbago sa isip ng madla na guilty na sina Hubert Webb at kanyang mga kasamahan. Subalit sa tinagal ng paglitis at sa dami ng iba’t ibang ebidensiya at kakulangan ng ebidensya na lumabas, nawalan na rin ng katiyakan kung mahahatulan sila ng guilty.
Sa mga kasong kriminal sa ating sistema ng hustisya, hindi pa rin matatakasan ang garantiya na ikaw ay innocent until proven guilty, at para mapatunayan na ikaw nga ang nagkasala, andiyan pa rin ang sukatan ng proof beyond reasonable doubt. Hindi maiiwasang sisihin ang prosekusyon o pamahalaan kung paano napabayaang matalo o ang mga mahistrado kung bakit hindi nila tinitingnan ang kaso gaya ng pagtingin ng ordinaryong mamamayan. Sa ganitong pag-iisip, nakakalimutan na ang pangunahing katungkulan ng pamahalaan at maging ng mismong DOJ bilang prosecution ay hindi ang ipanalo ang kaso. Higit dito, obligasyon din nilang siguruhin na ang batas ang manaig.