KOREK ka diyan P-Noy. Iyan ang tanging masasabi ko sa utos ni Presidente Noynoy Aquino na bawiin ng Department Of Justice ang mga kasong isinampa laban sa Morong 43. Ito yung grupo ng mga medical at health workers na inaresto dahil mga NPA daw. Mag-iisang taon na ring nakapiit sa Camp Bagong Diwa sa Taguig ang mga kawawang health workers na ito sapul nang madakip ng militar nung Pebrero.
Sabi nga ni Executive Secretary Paquito Ochoa, ito’y pagpapakita ni P-Noy ng paggalang sa human rights kahit kanino – Leftist man o Rightist. Nauna rito’y inirekomenda ng Pangulo ang paggagawad ng amnestiya sa maka-kanang grupong nagrebelde sa pamahalaan ni dating Presidente Gloria sa pangunguna ni Sen. Antonio Trillanes. Tama lang na kung Pangulo ka ng bansang may umiiral na demokrasya, wala kang dapat kilingan sa mga political factions ano man ang paniniwala.
“This represents the President’s commitment to respect human rights and to uphold the rule of law, a commitment that will be consistent regardless of the parties’ political affiliations,” ani Ochoa.
Kung nagbigay man ng serbisyong medikal ang grupong ito sa mga mandirigmang NPA, hindi sila dapat itu-ring na kaaway ng pamahalaan. Kahit pusakal na kriminal ay obligado mong tulungan kung may karamdaman kapag isa kang health worker. Kinalaunan, sinampahan sa hukuman ang “Morong 43” ng mga kasong illegal possession of explosives and firearms.
Kaya sana’y maibasura na agad ang mga kaso laban sa kawawang grupong ito para naman makapagdiwang ng Pasko’t Bagong Taon sa piling ng kanilang pamilya.
Gaya nga ng sinabi ni Ochoa -“The quick resolution of this case is a priority of this Administration, as no one should be deprived of their liberty without sufficient basis.”