HINDI lamang dengue ang banta sa mamamayan, pati tipus o typhoid fever ay nananalasa rin. Sa dalawang barangay sa Alegria, Cebu, 150-katao ang nadale ng tipus. Ang dalawang barangay ay ang Sta. Felomena at Poblacion. Hinihinala ng mga awtoridad na kontaminado ang tubig na nainom ng mga residente kaya nagkaroon ng oubreak ng tipus. Ayon sa report ang tubig umano na galing sa batis ang dahilan kaya kumalat ang tipus. Ayon sa mga doctor kapag umabot sa 40 degrees Celsius ang lagnat at nagtagal ng dalawang linggo, tiyak na tipus ang dahilan nito.
Ang pagkalat ng tipus sa dalawang barangay ay patunay lamang sa sinabi ng isang party-list representative na tinatayang 17-milyong Pilipino ang walang malinis na inuming tubig. Bukod sa walang malinis na tubig, tinataya naman na ikaapat na bahagi ng populasyon ng bansa ay walang toilet. Nasa mahigit 90-milyon ang mga Pilipino.
Walang malinis na tubig at walang kubeta. Ano pa ang kahihinatnan ng mga taong salat sa mga pasilidad na nabanggit? Sila ang nagkakasakit ng tipus, cholera, diarrhea at iba pang sakit. Kawawa naman ang mga Pilipino na walang malinis na tubig sapagkat sila ang nagkakasakit kagaya ng nangyari sa dalawang barangay sa Alegria, Cebu. Lubhang kawawa ang mga bata na walang malay na inaatake na ng iba’t ibang sakit dahil sa kakulangan ng malinis na tubig.
Hindi lamang sa probinsiya nangyayari ang ganito kamiserableng buhay na walang malinis na tubig. Maski sa Metro Manila ay maraming umiigib sa mga poso o balon na nakokontamina ng dumi ng tao at hayop. Maski ang mga tubo ng tubig ay nakalubog sa mga dumi at ito ang nasasahod ng mga residente. At ang resulta, pagkakaroon ng cholera, tipus at diarrhea. May mga namamatay sapagkat karamihan ay walang pampaospital.
Tungkulin ng gobyerno na mag-provide ng malinis na tubig sa mamamayan. Sana ay gawin na ang tungkuling ito bago pa man marami ang magkasakit at mamatay. Huwag ipagwalambahala ang pangangailangang ito ng mamamayan.