KAILAN makakamit ng pamilyang Dacer at Corbito ang katarungan kung maging si President Noynoy Aquino mismo ay nagpahayag na walang laman ang kaban ng kanyang administrasyon na mapondohan ang pabuyang P2 milyong patong sa ulo ni dating senador Panfilo “Ping” Lacson? Nasaan ang matuwid na landas na ipinangako ni P-Noy sa madlang people kung mismong sa katulad ni Lacson na hindi naniniwala sa batas eh di niya kayang ipahabol at maipakulong? Mukha ngang unti-unti ng lumilihis ang paniniwala ng ilan nating kababayan kay P-Noy sa isyung ito. Sa tingin kasi ng aking mga kausap, mukhang kumukuha lamang ng buwelo si Lacson sa administrasyon ni P-Noy dahil kaalyado naman niya ito sa pulitika. At oras na nakundisyon na ang isipan ng mamamayan tiyak na ang paglutang nito sa sambayanan at maiiwasan na ang kalaboso. Dahil kung may ngipin si P-Noy, isang kumpas lamang niya sa kanyang mga tauhan sa Armed Forces of the Philippines at Philipine National Police tiyak na sa selda na ang tungo ni Lacson.
Sa ngayon kasi, tanging mga tauhan lamang ni NBI director Magtangol Gatdula ang kumikilos sa paghahanap kay Lacson bilang pagtalima sa kautusan ni Justice secretary Leila de Lima. Ngunit duda ang sambayanan kay Gatdula dahil may pinagsamahan ang mga ito noong panahon na si Lacson pa ang PNP chief. Subalit kung babatayan ang Saligang Batas, dapat walang kapatid o kaibigan di ba mga suki. Dapat lamang na hanapin ni Gatdula ang dati niyang amo upang ipakita sa sambayanan na wala siyang kinikilingan. Wala na kasing puwang ang apila ni Lacson na mabuksan muli ang imbestigasyon sa kinasasangkutang Dacer-Corbito double murder cases dahil maging si Senate president Juan Ponce Enrile ay hands off na. Patunay ito na maging ang mga kaalyado ni Lacson sa senado ay tameme na sa apila ni Lacson. Marahil nainsulto ang mga senadores sa pahayag ni Lacson na mas nanaisin nitong mamatay kisa pahuhuli ng walang patas na hustisya. Sayang ang pag-idolo ng ilan nating kababayan kay Lacson kung siya mismo ang babali ng Saligang Batas.
Mantakin nyo mga suki, noong panahon ni dating pangulong Joseph “Erap” Estrada, isa sa napaka-buwenas na nilalang itong si Lacson matapos na pamunuan ang Presidential Anti-Crime Commission (PACC) na kung saan maraming ipinakulong ito dahil sa pagpapatupad ng batas. Maging ng siya’y maging PNP chief marami ang nalagas sa mga kriminal sa lipunan, kabilang na rito ang kilabot na Kuratong Baleleng. Naging ehemplo rin siya sa senado sa katapangan niya sa pagbubulgar sa mga tinatagong yaman ng Arroyo administration noon. Subalit ngayon na siya naman ang naka takdang humarap sa usaping Dacer/Corbito double murder cases, aba’y nag lahong parang bola. At ang kinakatakutan niya ay ang paggisa ni Sec. De Lima, kung sabagay kahit anong haba man umano ang prosesyon sa simbahan rin ang tuloy. At iyan ang naging kapalaran ni Lacson sa ngayon dahil sa dinami-dami na nagdaan sekritaryo ng Department of Justice tanging si De Lima lamang ang nagkalakas ng loob na banggain itong si Lacson. Kayat habang pinaghahanap itong si Lacson ng mga alipores ni P-Noy, naka salalay rin dito ang kridibilidad ng Aquino Administration. Abangan!