KAILANGANG pag-aralan ang isyu ng tinaguriang mga “kuliglig” (motorized pedicabs) sa Maynila, partikular sa posibilidad na ibilang sila sa maintream transportation means sa naturang lungsod at sa iba’t ang bahagi ng ating bansa.
Ito ang iginiit ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development at ng Congressional Oversight Committee on Labor and Employment (COCLE).
Ang pahayag ni Jinggoy ay kaugnay ng pagbabawal ng pamahalaan ng Maynila sa mga “kuliglig’’ na magbiyahe sa mga pangunahing kalsada dahil sa kanila umanong pagiging peligro sa mga lehitimong motorista na gumagamit ng kalsada. Nariyan din ang kanila umanong magulo at naghahari-hariang istilo ng pagbibiyahe na hindi sumusunod sa mga batas-trapiko.
Kinukuwestyon din kung ligtas bang sakyan ang mga ‘‘kuliglig’’ kasabay din ng pagpuna na hindi naman sila nakarehistro at hindi nagbabayad ng lisensiya at buwis sa pamahalaan.
Ayon kay Jinggoy, sa gitna ng mga pagpunang ito ay magandang tingnan din ang mga positibong bagay tungkol sa mga kuliglig tulad ng kanilang pagiging kinikilalang inobasyon ng mga Pilipino, at ang kanilang naitutulong sa mga komunidad sa pang-araw-araw na malapitang biyahe ng mga residente patungo at mula sa palengke, grocery, school, botika, health center at mga klinika, gayundin sa mga terminal ng bus, jeepney, taxi at LRT at pier. Dagdag niya, dapat ding ikonsidera ang napakarami na naman nating kababayan na mawawalan ng trabaho kung tatanggalin ang mga ‘‘kuliglig’’.
Binigyang-diin ni Jinggoy na kinikilala at hinihikayat sa maraming bansa ang paggamit ng “mopeds” (motor-pedal) vehicles na maikakategorya ang mga ‘‘kuliglig’’ basta’t ang mga ito ay may sertipikasyon ng pagiging ligtas sa pagbibiyahe, may nakatakdang maximum speed, nagtitiyak nang maayos na serbisyo sa mga pasahero, sumusunod sa batas-trapiko at nagbabayad ng buwis sa gobyerno.