KALULUNSAD lang ng aklat na Heroes and Villains ni Carmen Guerrero Nakpil, palayaw Chitang. Binubuo ito ng 17 artikulong pang-kasaysayan na unang nailathala sa Philippine Star. Ang history ay kalahating datos at kalahating interpretasyon. Sa aklat pinaaalala ni Maam Chitang ang mga datos, para ituwid ang mga baluktot na interpretasyon ng history.
Halimbawa, ani Maam Chitang, hindi mga Kastila, sa pamumuno ni Miguel Lopez de Legazpi, ang nagdala ng sibilisasyon sa Pilipinas. Kaakibat nito, mali na ipagdiwang sa Hunyo 24 ang Araw ng Maynila.
Nirepaso ni Maam Chitang ang saliksik nina Tome Pires, Pigafetta, Cesar Majul, W.H. Scott, Gaspar de San Agustin, at O.D. Corpuz. Laganap na ang agrikultura at komersiyo sa Luzon nang dumating si Legazpi sa Cebu mula Mexico, 1565. Nakikipagkalakal ang Luzones sa Tsina at paligid na mga isla, hanggang Indonesia at Australia. Capital ng Luzon ang Maynila, na pinamumunuan noon nina Raha Matanda (na apo ni Sultan Bolkiah ng Borneo), pamangkin na Raha Sulayman, at Raha Lakandula ng Tondo. Unang pinalusob ni Legazpi sa Maynila nu’ng 1570 ang 120 sundalong Kastila at 300 Cebuano sa ilalim ni Martin de Goiti, na madaling nilipol ni Raha Matanda. Sumunod si Legazpi nu’ng 1571, at imbes na mandigma ay nagpadala ng regalo kay Raha Matanda. Walang paapaalam, sa wikang Kastila, itinatag ni Legazpi nu’ng Hunyo 24 ang Nueva Castilla. Pero Maynila na ‘yun noon.
Katawa-tawa na nu’ng 1898, nang inasam ni US President William McKinley na mag-imperyalista, nanaginip umano siyang kausap ang Diyos. Inihabilin daw sa kanya na gawing Kristiyano at sibilisado ang mga Pilipino. Mangmang sa history at current events si McKinley. Aba’y nananalo na noon ang mga Pilipino sa mga paligsahan sa pagpinta at panitikan sa Madrid at Paris, mga sentro ng kultura. Meron nang Kristiyanong pamantasan sa Maynila, ang Universidad de Santo Tomas, noon pang 1611, bago pa man ang Harvard at Yale sa America.