Dalawang magiting

Tayo ay maraming bayaning pinatay

sa dilim ng gabi ng mga kaaway;

Subali’t may ilang kung kaya nawalay-

sa inggit at selos ng mga kalaban!

Sa iilang ito’y dalwa ang nabantog

at dapat talagang sila’y ibantayog;

Una ay nanguna sa bayang pagkilos

na ang dala’y itak sa pakikihamok!

Itong pangalawa’y pinaslang sa galing-

ng diwa at pusong umilaw sa dilim;

Umalis sa bansa’t sa pagbalik mandin

pagbaba sa airport binaril ng taksil!

Ayon sa historya – ang unang bayani

siya ay nagtanggol sa maraming api;

Itong pangalawa – ang bayang lugami

kanyang ibinangon sa pagkaduhagi!

Andres Bonifacio nang ika’y patayin

kapwa Pilipino sa iyo’y nagtaksil;

Si Ninoy Aquino ay iniligpit din

ng isang kabayang nagtago sa dilim!

Sila ang dalawang bayaning dakila

kapwa idolo na at sa ating bansa-

Sa dibdib ng bayan sila’y may dambana

‘di na malilimot tayo ma’y mawala!

Pagyao ni Ninoy higit na masakit

sa bagong panahon siya ay nawaglit;

Pumatay sa kanya’y higit na malupit

pagka’t kababayang nagselos nainggit!

Sino ang nag-utos na siya’y patayin

bakit hanggang ngayon nagtatago pa rin?

Posibleng nariyan sa likod lang natin-

at humahalakhak sapagka’t salarin!

Kung ang mga taksil ay makikilala

ang nais ng bayan ay litisin sila;

Kung ayaw umamin sana’y makonsensya-

at kusang isuko ang sarili nila!

Show comments