PROBLEMA na noon pa ang mga “bugok” na mi-yembro ng Philippine National Police (PNP). Dahil sa mga “bugok” kaya nakakaladkad ang PNP sa kahihiyan. Pati ang mga hindi “bugok” ay nadadamay sa kabulukan. Kahit na pinagbubuti ng mga matitinong pulis ang kanilang trabaho, sa isang iglap ay nawawala iyon dahil sa ginagawa ng mga “bugok” nilang kabaro. At tila walang ginagawang mabisang paraan ang PNP para hindi sila mahaluan ng mga “bugok”.
Noong Biyernes, dalawang “bugok” na naman ang nadiskubre. Grabe ang ginawa ng dalawang “bugok” na pulis na naging dahilan para malagay na naman sa headline ang PNP. Binaril at pinagsasaksak ng dalawang pulis na sina PO2 Mario Natividad at PO1 Antenor Mariquit ang isang babaing buntis at pagkatapos ay inihulog sa isang bangin sa Pagsanjan, Laguna. Pero himalang nabuhay ang babae sa kabila na may 24 na saksak sa katawan. Ligtas din naman ang kanyang sanggol na nasa sinapupunan. Siguro ay nabuhay siya para maituro ang mga “bugok”.
Ang biktima ay nakilalang si Grace “Gleng Gleng “ Capistrano, 22, umano’y dating asset nina Natividad at Mariquit. Ang dalawang pulis ay nahaharap sa kasong robbery/extortion at si Capistrano ang tumatayong testigo. Para huwag umano makatestigo, tinangkang i-salvage si Capistrano na himala namang nabuhay. Nahuli na ang dalawang “bugok” at agad sinibak sa puwesto. Sinampahan na sila ng kaso at nakakulong sa Camp Crame. Nasa ospital naman ang biktimang si Capistrano at malinaw na naituro niya ang mga “bugok” na tangkang pumatay sa kanya.
Sunud-sunod ang pagbandera ng mga pulis hindi sa paggawa ng kabutihan kundi sa kasamaan. Noong Agosto 23, 2010, isang pulis ang nang-hostage at pumatay sa walong turista sa loob ng isang bus sa harap ng Quirino Grandstand sa Maynila. Mga pulis din ang akusado sa karumal-dumal na Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, 2009. At ngayon ay pulis na naman ang kasangkot sa pangsa-salvage sa babaing buntis.
Kailan nga ba lubusang mababasag ang mga “bugok” sa PNP? Nakaaalarma ang mga “pulisbugok” na ang sinumpaang tungkulin ay maglilingkod at magpoprotekta sa mamamayan pero taliwas ang ginagawa.