SANAY na tayo sa laganap na pekeng kagamitan sa merkado. Nandiyan mga mamahalaing tatak na bag at sapatos. Mga pabango. Mga mamahaling tatak ng damit rin. Mga pekeng DVD ng mga pelikula, mga iba, kalalabas pa lang sa ibang bansa! Kasama na ang mga pekeng tatak ng alahas at relo. Ang bilihan na nga ngayon ay hindi kung tunay o peke ang binibili mo, kundi gaano kaganda ang pekeng kagamitan mo!
At ganun din, tila kinukunsinti ng mga opisyal, maliban lang sa paminsan-minsang mga raid na nababasa natin. Mga raid sa mga lugar katulad ng Metrowalk at Makati Cinema Square, na kaaalis pa lang ng mga nag-raid nakatayo na kaagad ang mga tindahan. Iyan ang kultura ng pekeng gamit sa Pilipinas. Pero may isang bagay na peke na hindi dapat pinapayagang mamayagpag, kahit ano pa ang mangyari. Pekeng gamot.
Pinaghirapan nating maisabatas ang Cheaper Medicine Bill, para maging abot-kaya ang presyo ng mga gamot sa mamamayan. Madadagdagan pa ang listahan nito sa mga darating na buwan. Ang mahirap, lumalaganap na rin ang pekeng gamot, tila pambawi sa obligasyon ng mga kumpanya at tindahan na magbenta ng gamot sa murang halaga. Wala na sigurong mas masama pa sa pagbenta sa isang pasyente ng pekeng gamot. Gamot na inaasahan ng pasyente na magbibigay lunas o galing sa karamdaman, pero mas makakasama pa dahil hindi gumagana.
Dito, hinihikayat ko nang husto ang pamahalaan na sugpuin ang pagpasok ng mga pekeng gamot sa bansa. Itaas nang husto ang multa at pabigatin ang parusa. Ayon sa mga organisasyon na nagbabantay sa pagpasok ng mga pekeng gamot, karamihan ay magmumula sa mga bansang China, India at Pakistan. Bakit hindi ako nagtataka. Kapag pekeng DVD ang nabili, tatalon at hihinto lang ang pinapanood mo. Sa pekeng gamot, maaaring tumalon o huminto ang tibok ng puso mo. Mga pekeng bag at sapatos, baka mas mabilis matastas lang. Sa pekeng gamot, maaaring matastas ang tahi ng mga sugat ninyo dahil sa inpeksyon. Buhay at kalusugan na ang pinag-uusapan natin pagdating sa pekeng gamot, at hindi porma lang. Walang peke-peke kapag kamatayan na ang pinag-uusapan!