DADAGSA ngayong araw na ito ang maraming tao sa mga sementeryo. Marami silang bitbit na baon. Karaniwang nakalagay ang kanilang baon sa mga plastic bags. Kung gaano karami ang dumagsa sa sementeryo, doble o baka triple ang ipinasok nilang mga baon na nakalagay sa plastik at iba pang lalagyan na hindi nabubulok. Ang mga lalagyang plastik ay hahayaan na lamang nila sa mga puntod na nakakalat. Kaya ang sementeryo ay naging isang malawak na basurahan.
Noong nakaraang taon, ilang trak umano ng basura ang nakolekta sa Manila North Cemetery isang araw makalipas gunitain ang Araw ng mga Patay. Hindi napigilan ang mga tao na magkalat ng basura sa sementer- yo sa kabila na may paunawa na “huwag iiwan ang basura”. Walang epekto ang mga paalala na tangayin ang sariling basura kapag nilisan ang sementeryo.
Ayon sa report ng Philippine National Police, mas maraming dadagsa ngayon sa mga sementeryo. Kaya naman, naka-red alert sila upang mapigilan ang anumang masamang tangka habang ginugunita ang Araw ng mga Patay. At tiyak nga na sa pagdami ng mga tao sa sementeryo, tiyak na marami rin ang basura.
Marahil kinakatwiran ng iba na sementeryo lang naman kaya okey kahit na magkalat o mag-iwan ng basura. Okey lang kahit magbunton ang basura sa sementeryo. Iyon ang malaking pagkakamali. Kapag ang mga basura ay hindi agad nahakot at inabot ng pag-ulan at bumaha, tatangayin ang mga basurang ito sa mga estero at iba pang daluyan ng tubig. Magbabara ang mga ito. Aapaw ang mga estero, ilog at iba pang waterways. Ang hahantungan ng baha ay ang mga kabahayan. Naranasan na ito noong manalasa si “Ondoy” sa Metro Manila kung saan ay grabeng bumaha. Sa bubong ng bahay humantong ang mga tao. Sa Marikina, may mga bahay sa isang subdibisyon doon na ang nakuha sa loob ay pawang basura. Mga plastic shopping bags at grocery bags nang mala-laking supermarket na hindi natutunaw. Ganyan ang mangyayari kung ang mga dadalaw sa sementeryo ay hindi madidisiplina ang sarili sa pagtatapon ng basura. Maski ang maliliit na wrapper ng candy at ang mga upos ay magbibigay ng problema kapag basta na lamang itinapon.
Nararapat na sa bawat entrance ng sementeryo ay maglagay nang paunawa o babala ukol sa pagtatapon ng basura. HUWAG IWAN ANG INYONG BASURA. BASURA N’YO TANGAYIN N’YO. Kailangang ipamulat ito para maiwasan ang pagbaha.