Kailangang pag-aralang mabuti ang mga kasong administratibo na isinasampa sa mga hukom. Minsan nagmumula lang ito sa simpleng pagkakamali sa ginawang desisyon ng hukom. Hindi sila mga perpektong nilalang at nagkakamali rin. Ang ganitong mga kaso ay hindi pananagutan ng hukom sa kasong administratibo dahil may rules of court na nagdidikta kung paano ang magiging remedyo sa kaso.
Sa kabilang banda, may mga kasong administratibo na gawa lang ng mga taong may galit sa hukom dahil hindi sila nakuntento sa naging desisyon sa kanila o iba pang dahilan, tulad ng mga taong sinentensiyahan ng hukom o kaya ay ng kanyang mga empleyado.
Dapat pinag-aaralang mabuti ang mga kasong administratibo. Sa mga lumang kaso (In Re Horilleno, 42 Phil. 212), ang reklamong administratibo katulad na rin ng mga kasong criminal na kailangang patunayan ang pagkakasala ng walang alinlangan. Ang patakaran sa ganitong mga kaso ay nasa nagrereklamo ang responsibilidad na magpakita ng ebidensiya na magpapatunay na nagkasala ang hukom. Katulad na lang ng kasong ito ni Judge JD ng Makati City na nagreklamo at nagsampa ng kasong dishonesty at falsification laban kay RV. Sila rin ang sangkot sa kasong A.M P-08-2433, September 25, 2009 na naunang nailathala.
Ang kaso laban kay Judge JD ay batay sa kontra demanda ni RV. Ayon sa kanya, kinuha ni JD ang isang dating legal researcher, si SM na hindi naman empleyado ng korte upang maging tagasulat niya ng mga desisyon. Inamin daw ito mismo ni SM at ito rin ang kuwento kay RV ng isang kasamahan sa trabaho na sumama sa asawa ng isa pang kaopisina sa pagdadala ng mga rekord sa bahay ni SM bilang pagsunod sa utos ni JD.
Ngunit ayon sa rekord, kinukunsidera lang naman ni JD si SM bilang kapalit ng branch clerk of court na nagmaternity leave na o lumiban na sa trabaho dahil ma-nganganak at nag-iisip na rin na lumipat sa ibang sangay ng gobyerno. Dati na si SM nagtrabaho bilang researcher sa hukom na pinalitan ni Judge JD. Sinubukan lang ni Judge JD ang kakayahan ni SM na magsaliksik at gumawa ng mga resolusyon kaya binigyan siya ng isang kaso. Noong Pebrero 23, 2007, pinag-aralan at ginawa ni SM ang isang resolusyon na may kinalaman sa isang kaso. Doon siya nagtrabaho sa opisina ng branch clerk gamit ang computer nito.
Nagustuhan naman ni JD ang trabaho ni SM pero hindi niya ginamit ang gawa nito dahil nakapaglabas na rin siya ng resolusyon sa kaso noong Pebrero 20, 2007. Gumawa rin si SM ng salaysay bilang patunay na hindi siya “ghost writer” ni Judge JD.
Sa naging ulat nito sa Korte Suprema, sinabi ng OCA (Office of the Court Administrator) na inimbento lang ni RV ang mga paratang sa kanyang kontra demanda kay Judge JD upang mawala ang atensiyon ng lahat sa mga pineke niyang TSN (transcript of records). Napatunayan naman na talagang nameke si RV ng dokumento ngunit hindi niya napatotohanan ang mga paratang niya laban kay Judge na kesyo nagbayad pa ito ng tagalabas na gagawa sa kanyang mga desisyon. Ginamit pa ng OCA ang isang kaso (Loperz vs. Fernandez 99 SCRA 603,610), upang ipakita na, tulad ng mga kasong kriminal, dapat munang patuna-yan ng walang alinlangan na nagkasala ang isang hukom upang maparusahan sa kasong administratibo. Ayon pa sa OCA, hindi nakapagpakita ng ganitong ebidensiya si RV.
Sinang-ayunan ng Korte Suprema ang naging rekomendasyon ng OCA at ibinasura ang kaso laban kay JD. Ayon pa sa Korte Suprema, ang kapansin-pansin agad sa kaso ay ang away ni RV kay JD dahil sa kasong administratibo na isinampa ng hukom sa kanya. Sa mga kasong administratibo, obligasyon ng nagreklamo na patunayan ang kanyang mga paratang sa pamamagitan ng matibay na ebidensiya. Hindi ito nagawa ni RV kaya walang basehan para patagalin at pa-lakihin pa ang kaso. (Aldecoa-Delorino vs. Remigio-Verzosa, A.M. P-08-2433, September 25, 2009, 601 SCRA 27).