LUMALAKAS ang panawagan ng mga mambabatas maging sa Mababang Kapulungan at ngayon ay umabot na sa mga nasa Senado na bumitiw si Secretary Teresita ‘Ging’ Deles sa pagiging Presidential Assistant on the Peace Process bunsod diumano ng kanyang “insulting remarks” kay Lanao del Norte Rep. Fatima Aliah Dimaporo.
Agad nagpalabas nitong nakaraang linggo ng isang resolution ang mga congressmen na hinikayat si Deles na agarang magbitiw sa puwesto.
Si Senador Francis Escudero ay tinawag na “display of arrogance” ang inasta ni Deles sa kanyang pakikitungo sa mga mambabatas. Nagkasagutan na nga sina Escudero at Deles ng mga maaanghang na salita.
Kung tutuusin kaalyado rin ni President Aquino si Escudero na todo ang suporta rito noong nagdaang May 10 polls. At si Escudero pa ngayon ang ayaw na manatili si Deles sa puwesto niya.
Maging si dating senador Aquilino Pimentel Jr. ay nanawagan din na bumaba na sa puwesto si Deles dahil hindi nga nakakabuti sa usaping pangkapayapaan ang kanyang pananatili sa OPAPP.
“The Executive should consider the resolution seriously for the sake of peace efforts in Mindanao. This will not succeed without the cooperation of Mindanao lawmakers. If necessary, she should be sacrificed,” sinabi ni Pimentel sa isang forum nitong nakaraang linggo.
Nasa mahirap na posisyon ngayon si Deles dahil nga paano niya maisulong ang usaping pangkapayapaan kung siya mismo bilang Presidential Assistant on the Peace Process ay hindi katanggap-tanggap sa karamihan sa mga leaders ng Mindanao.
Sana isipin ni Aquino na walang patutunguhan ang peace process kung hindi kasundo ni Deles ang mga opisyales at lider ng Mindanao.
Kung kinakailangang isakripisyo ni Aquino si Deles ‘for the sake’ sa peace process sa Mindanao, eh, di pagsabihan niya na kailangan na itong bumitiw sa puwesto.
Hindi naman ang pag-appoint ni Aquino kay Deles bilang presidential adviser on the peace process ang naging problema kundi ang kanyang pakikitungo sa mga mambabatas na mga taga-Mindanao.
Sana maisip din ni Deles na ang kanyang pananatili bilang OPAPP chief ay dagdag gulo lang sa masyado nang masalimuot na sitwasyon ng Mindanao.