NAPUNO na ang mga residente ng Barangay Masagana. Kinasuhan sa Ombudsman si Kapitana Juliet Liporada Ginete.
Sa isang ‘complaint affidavit’ na isinampa sa Ombudsman, inakusahan si Brgy. Captain Ginete at ilang mga barangay ‘officials’ ng ‘Grave Misconduct and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service under Rule XIV Omnibus Rules Implementing Book V Executive Order No.292 and other pertinent Civil Service Laws’.
Maalala na lumapit sa aming tanggapan si Benjamin Ramos, Danny Rodriguez at Roland Molina, mga residente ng Barangay Masagana, Project 4, Quezon City.
Natanggap sa tanggapan ng Ombudsman ang kanilang reklamo. Nakaugat ito sa pagpapatayo ng istraktura kung saan nagkaroon ng ‘eastment problem’ dahil nabara ang paglabas-masok sa kanilang garahe pati na rin ang tama ng araw (right of view, right of way and sunlight).
Pamemersonal na panggigipit umano sa kanila ni Kapitana Juliet “Jhet” Ginete ang dahilan nito.
Ayon kay Benjie, galit sa kanila itong si Kapitan Ginete kaya ganyan ang pinaaprubahan na disenyo ng barangay hall.
Hindi raw kinunsulta at walang abiso sa mga residente tungkol sa planong ito. Biglaan at isang linggo matapos ang anunsyo, giniba na umano ang dating barangay.
Wala umanong mapakitang plano. Siniksik ng itinatayong barangay hall ang daanan nila Benjie. Nakiusap sila Benjie sa konseho na kung hindi maaaring sundin ang dating pwesto ay huwag naman ilapit nang husto sa kanilang bahay. Pumayag ang mga kagawad at binigyan sila ng ‘sketch’ base sa kanilang napagkasunduan.
Ang nakalagay dun ay anim at walong metro (6.8 meters) ang layo ng bagong bakod ng barangay hall sa kanilang mga bahay. Ito ay sapat para makadaan ang kanilang mga sasakyan.
Masaya na sana ang lahat subalit nang makabalik si Kapitan Ginete matapos ang nakaarang ‘local election’ (dahil talunan ito) ibinalik nito umano sa orihinal na plano na idikit ang bakod ng barangay hall sa nakahilerang bahay sa likod nila Benjie.
Nagpasya sila Benjie at iba pang residente na humingi ng tulong sa aming tanggapan.
Nagkaroon kami ng pagkakataon na makausap si Kapitan Ginete at nagulat din kami na matapos ng aming pakikipag-usap, may binanggit siya na paalala o pananakot na, “That the Q.C government is closely monitoring pronouncements against the administration of Mayor Bautista”.
Sinagot ko naman siya na kaming ‘media’, kailanman hindi magpapatakot kahit sino pa ang sabihin mong nagbabantay sa mga pahayag namin lalo na kapag alam namin na nasa tama kami.
Tinanong ko nga rin si Kapitana kung totoong sinabihan nila sina Benjie na palitan ng ‘sliding door’ ang mga gate. Mabilis siyang sumagot at natatawa-tawang sinabi, “Hindi nga lang ’yun ang sinabi eh. Sinabihan din sila ng Engr. na dapat sa Corinthian Gardens na lang sila tumira.”
Sa ngayon, patuloy ang pagpapagawa ng mataas na pader at ang mga residente katulad nila Benjie ay nasiksik. Wala silang ibang “legal remedy” kundi hilingin mula sa Ombudsman na nakasaad sa kanilang ‘complaint affidavit’ No. 30, “In the mean while, to prevent the damage, prejudice and injury of the Government from escalating, this Honorable Office should exercise its power and authority under section 15 (2) of The Ombudsman Act, to immediately stop the respondents and all persons acting under their authority and direction from continuing with the construction of the new Barangay Hall at Lot 33, Barangay Masagana, Project 4, Quezon City.
Ang kanilang reklamo ay sinumpaan ni Atty. Gilbert P. Bueno ‘investigating officer’ ng Office of the Ombudsman.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi kami nagkulang sa paalala rito kay Kapitan Ginete na kung maaari ay makipag-usap nang maayos sa mga nakatira sa likuran ng barangay.
Paulit-ulit na sinagot at itinuturo si Mayor Herbert “Bistek” Bautista na kung tutuusin ay wala namang kinalaman sa usaping ito.
Ang isang magaling na Barangay Captain ay hindi lamang napapatupad ang batas upang magkaroon ng kapayapaan sa kanyang lugar na sinasakupan kundi para mapanatili ang magandang pakikipag-ugnayan sa kanyang mga kabarangay.
Public Office is a Public Trust. Kaya ka nand’yan dahil ikaw ay hinalal ng mga tao ng Barangay Masagana. Inatasan ka na sila’y paglingkuran. Maging sensitibo ka sa kanilang mga pangangailangan. Ang dati na kanilang natatamasang kaligayahan na mga ‘basic necessities’ na ‘air, light and view’ ay bigla na lamang nahadlangan dahil sa umanong ipinilit mong disenyo ng bakod ng inyong barangay.
Malinaw na paglabag sa kanilang karapatan bilang residente ng inyong barangay.
SA LUNES, haharap ka at huhusgahan ng mga tao sa Barangay Masagana sa isang eleksyon. Hindi kaya dahil sa kasong isinampa sa’yo na maaari sanang naiwasan kung ginawa mo ang lahat para kayo’y magkaintindihan ang dating mga sumusuporta sa’yo ay hindi na boboto?
Maaaring manalo kang muli Kapitan Ginete. Hindi naman kaya mabalewala ang iyong tagumpay kapag makita ng Ombudsman na may basehan ang reklamo laban sa’yo?
May aspetong ‘criminal’ ang kanilang reklamo, ang paglabag sa Section 3(a) and 3(e) of Republic Act No. 3019 or Anti- Graft and Corrupt Practices Act, mababalewala lahat ng pinaghirapan at ginastos mo sa kampanya.
Panghuli, hindi naman kaya matakot ang mga taga-Barangay Masagana na iboto ka dahil baka masayang lamang ang kanilang boto? Huwag naman sana kaya kapit kapitana… kapit para hindi ka mahulog. (KINALAP NI AICEL BONCAY)
Ang aming programa sa radyo ay bukas sa anumang talakayan para sa mga complainants na walang kakayahang magpunta sa aming tanggapan. I-text n’yo lamang sa mga numerong 09213263166 o sa 09198972854 at sasagutin namin on-air ang inyong problema. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maaari rin kayo magpunta sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email: tocal13@yahoo.com