KATAKA-TAKA na mas marami sa atin ang bumoboto sa presidential election kaysa barangay at Sangguniang Kabataan elections. Hindi bababa sa 75% ang voter turnout para sa Presidente; nu’ng huling halalan nu’ng Mayo 76% ang dumagsa sa presinto maski mainit, siksikan, mahaba ang pila, hindi mahanap ang pangalan, at palpak ang Comelec sa paghahanda sa mga botante para sa unang nationwide automated balloting. Pero ang karaniwang sumasali sa barangay election ay 55% lang. Mas mababa ang sa SK election; karamihan ng kabataan ay ni hindi nagpapatala para bumoto.
Sinasabi kong kataka-taka dahil mas may direktang epekto sa buhay natin ang resulta ng barangay-SK polls kaysa presidential election. Oo’t naaapektuhan tayo ng kung sinoman ang nakaupo sa Malacañang. Kung kawatan ito, nakukulimbat ang pera na dapat panggastos sa serbisyo at proyekto, at napapabayaan ang ating kapakanan. Halimbawa, muntik nang mag-aksaya ng $329 million (P16.5 bilyon) kung hindi napigilan ang Arroyo admin sa walang kapararakan pero overpriced na national broadband network-ZTE deal noong 2007. At kung mabuti naman ang Presidente ay nagsusulong ito ng mga repormang nagbebenepisyo sa nakararami. Muli halimbawa, halos lahat ngayon ay may murang cell phone dahil giniba ni Fidel Ramos ang monopolyo sa telekomunikasyon nu;ng 1992-1998.
Pero mas marami ang epekto sa ating pang-araw-araw na buhay ng kung sino ang nagpapatakbo ng ating komunidad. Ilista natin ang ilan: basura, kalinisan at katahimikan ng paligid, kapayapaan at kaayusan ng magkakapit-bahay at pamilya, ilaw sa kalsada at plaza,
patubig, kontra-akyat-bahay, kontra-droga, kontra-sakit, hingian na rin ng abuloy at limos.
Seryosohin ang barangay-SK elections. Ihalal ang karapat-dapat.
* * *
Lumiham sa jariusbondoc@workmail.com