Huwag magsawa sa pananalangin

NGAYONG ikatatlong linggo ng Oktubre at nataong ika-29 linggo sa karaniwang panahon ay ating sinasariwa ang taunang World Mission Sunday. Ipinapanalangin natin at binibigyan ng tulong ang mga nagpapalaganap ng ating pananampalataya sa ating simbahang itinatag ni Kristo Hesus. “Humayo kayo ... at maging disipulo sa lahat ng bansa … binyagan sila ... ituro ang mga ipinag-uutos Ko sa inyo”.

    Kahambing nito ang pagpapalaganap at pagtatanggol ni Moises sa bayang Israel laban sa mga kaaway. Habang nakikipaglaban si Josue ay nakataas ang mga kamay ni Moises at nahingi ng awa sa Diyos. Tuwing bababa ang kanyang mga kamay ay natatalo sina Josue kaya’t patuloy na hawak-hawak nina Aaron at Hur ang mga kamay ni Moises hanggang sila ay magtagumpay.

Ito ang simbolo ng wagas na panalangin at paghingi ng awa sa Diyos. “Sa pangalan ng Maykapal tayo ay tinutulungan”. Ang lingkod ng Diyos ay nagiging handa sa lahat ng mabubuting gawain. Paalaala sa ating lahat lalo na sa mga mag-aaral na huwag tatalikdan ang mga natutunan sa paaralan. Ito ang kanilang matibay na paninindigan. Maging ang Banal na Kasulatan ay ating isa-buhay sapagka’t ito ang nagtuturo sa atin ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay Hesus.

Katulad ng itinuro ni Hesus sa mga alagad na manala-ngin tayong lagi at huwag manghihinawa sa paghingi sa Panginoon. Kahambing ito sa parabola ni Hesus na isang babaing balo ang hindi tumigil ng kapupunta sa isang hukom upang humingi ng katarungan. Matigas ang puso ng hukom, hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang. Hindi nagsawa ang balo, lagi niyang ginagambala at kinukulit ang hukom. Nainis sa wakas ang hukom at

ibinigay sa babaing balo ang katarungan.

“Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa Kanyang mga hinirang na dumaraing sa Kanya araw at gabi”. Huwag tayong magsasawang manalangin sa Diyos na lumikha sa atin. Kailanman ay hindi Niya tayo pinabayaan. Kadalasan ay tayo ang nakakalimot sa Kanya upang Siya ay ating purihin at pagsisihan ang nagawa nating kasalanan.

Ex17:8-13; Salmo120; 2Tim3:14 -4:2 at Lk18:1-8

Show comments