(Unang bahagi)
MAWAWALAN ba ng saysay ang mga kasong admi-nistratibo kung namatay na ang nagsampa ng reklamo o kaya ay ang kinasuhan. Ito ang mga katanungan na sinasagot ng kasong ito.
Sinampahan ni Magno ng kasong administratibo si Judge ES ng Regional Trial Court. Kinampihan daw kasi at hantaran na pinaboran ni Judge ES ang isang kapwa niya huwes (MCTC Judge) sa probinsiya nang ibasura nito ang kaso laban sa MCTC Judge at sa mga tauhan nito na palaging absent sa trabaho at hindi pare-pareho ang oras ng pasok.
Ayon sa sagot ni Judge ES sa Office of the Court Administrator na nag-utos sa kanya na mag-imbestiga ng kaso, pumunta raw siya sa opisina ng MCTC Judge. Napag-alaman daw niya na talagang sakitin ito dahil na rin sa sakit nito sa puso kung kaya lagi nitong kinakailangang mag-absent sa trabaho.
Ayon din kay Judge ES, hindi naman daw nakasulat sa reklamo kung anu-ano ang petsa na hindi pumasok ang MCTC Judge kaya hindi niya malaman kung awtorisado o hindi ang ginawa nitong pagliban sa trabaho. Pumunta pa nga raw si Judge ES sa ibang mga opisina doon at nakipag-usap sa mga abogado at taong may nakabinbin na kaso kay MCTC Judge, wala naman daw silang reklamo tungkol sa laging pagliban ng MCTC Judge o kaya ay sa irregular na oras ng pasok nito at ng mga tauhan. Kaya sa ulat ni Judge ES, sinabi niya na walang basehan ang reklamo sa MCTC Judge at sa mga tauhan nito.
(Itutuloy)