SA unang State of the Nation Address (SONA) ni President Arroyo noong Hulyo 16, 2010, ibinunyag niya ang malalaking perang tinatanggap ng mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS). Bukod sa malalaking suweldo, napakaraming bonuses na tinatanggap ang mga opisyales na tila ba walang pagkaubos ang bagsak ng biyaya sa kanila. Narito ang bahagi ng talumpati ni Aquino patungkol sa mga matataas na opisyal ng MWSS: “Umupo ka lang sa Board of Trustees at Board Committee meeting, katorse mil na. Aabot ng nobenta’y otso mil ito kada buwan. May grocery incentive pa sila na otsenta mil kada taon. Hindi lang iyon: May mid-year bonus, productivity bonus, anniversary bonus, year-end bonus, at Financial Assistance. May Christmas bonus na, may Additional Christmas Package pa. Kada isa sa mga ito, nobenta’y otso mil. Sa suma total po, aabot ang lahat ng dalawa’t kalahating milyong piso kada taon sa bawat miyembro ng Board maliban sa pakotse, technical assistance, at pautang. Uulitin ko po. Lahat ng ito ay ibinibigay nila sa kanilang mga sarili habang hindi pa nababayaran ang mga pensyon ng kanilang mga retirees. Pati po ang La Mesa Watershed ay hindi nila pinatawad. Para magkaroon ng tamang supply ng tubig, kailangang alagaan ang mga watershed. Sa watershed, puno ang kailangan. Pati po iyon na dapat puno ang nakatayo, tinayuan nila ng bahay para sa matataas na opisyal ng MWSS.”
Grabe! Pero maitatanong ngayon, ano nang nangyari makaraan ang pagbubunyag na ito? Mayroon na bang ginawang aksiyon ang pamahalaan kung paano mapuputol ang sandamukal na tinatanggap ng mga opisyales ng MWSS. O wala lang? Kung wala, hindi na lang sana ibinunyag ang mga ito sapagkat umasa lamang ang taumbayan na mayroong mababago sa bansang ito. Tatlong buwan na ang nakalilipas mula nang mabunyag ang mga garapal na pagtanggap ng kung anu-anong benepisyo at wala nang sumunod na balita ukol dito. Marahil tuloy ang ligaya sa MWSS at sa iba pang government-owned and controlled corporations (GOCCs).
Tanging ang nakikitang pag-asa ay ang batas ni Sen. Franklin Drilon — ang Senate Bill 2566 o “GOCC Corporate Governance Act of 2010”. Pero matagal pa marahil bago ito maaprubahan at baka dumaan pa sa butas ng karayom. Tiyak na maraming tatamaan sa batas na ito. Sana naman ay agad na maaprubahan ang SB 2566 para mawakasan na ang pananagana ng mga opisyals ng GOCCs at iba pang mga tanggapan gaya ng MWSS, SSS at iba pa.