MARAMING mahihirap ang umaasa kay President Aquino. Marami ang naniniwala sa kanyang ipinangako na mahahango sa kahirapan at makakamtan ang pagbabago. Sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa noong Setyembre 24-27, lumabas na 48 percent ang naniniwalang tutuparin ni Aquino ang kanyang mga pangako sa mga mahihirap. Naniniwala silang pinagsisikapan ni Aquino na mabigyan ng magandang buhay ang mga naghihirap na Pilipino. Lumabas din sa survey na 44 percent ng mga Pinoy ay naniniwalang tutuparin ni Aquino ang mga ipinangako sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 26.
Mas malaki ang porsiyento nang naniniwala kay Aquino kumpara kay dating President Gloria Macapagal Arroyo. Noong 2001, lumabas sa survey na 21 percent lamang ang naniniwalang tutuparin ni Mrs. Arroyo ang kanyang pinangako sa SONA. Maski sa mga sumunod na SONA ni Arroyo ay mababa rin ang porsiyento ng mga naniniwala na isasagawa niya ang mga plano para sa mahihirap. Kabaliktaran sa malaking porsiyento na nakuha ni Aquino sa pagsapit niya ng unang 100 araw sa puwesto.
Ang malaking pag-asa o pag-asam ng mga mahihirap sa liderato ni Aquino ay hindi dapat masira. Gawin ang mga ipinangako na magbabago sa buhay para hindi mabigo. Sobra-sobra ang ini-expect ng mamamayan, lalo na ang mga mahihirap kay Aquino kaya nararapat lamang na magtrabaho nang husto ang presidente.
Hindi kataka-taka na tumaas ang expectations ng mga mahihirap kay Aquino sapagkat ang mga nakaraang presidente ay nabigo na baguhin ang buhay ng mga mahihirap. Sa halip na umangat ang pamumuhay, lalo pang nalugmok sa kahirapan. Noong 1998 ay marami rin ang umasang mahihirap kay President Joseph Estrada. Nangarap sila na magkakaroon ng maginhawang buhay, magkakaroon ng trabaho, masaganang pagkain sa hapag at matiwasay na kapaligiran. Hindi nagkaroon ng katuparan. Nang pumalit si Arroyo, lalong nasadlak sa hirap. Wala pa ring hanapbuhay ang nakararami, walang maayos na tirahan at walang pagkain sa hapag.
Ngayong si Aquino na ang namumuno, umaasa silang magkakaroon ng katuparan ang lahat ng pangako. Hindi sana mabigo ang mahihirap.