GAYA ng hinala ko, dismayado ang mga opisyal ng Hong Kong sa naging desisyon ni Pangulong Aquino na bawasan ang mga kasong isasampa sa mga nirekomenda ng IIRC, at ang iba ay tila absuwelto pa nga at “pinagsabihan” lang. Pati dito sa atin, hindi lahat ng sektor o opisyal ang tumanggap sa desisyon ng Palasyo. May mga dapat daw kinasuhan base sa rekomendasyon ng IIRC. Tuloy, marami ang nagsasabi na para ano pa ang IIRC, o kung ano pang komite na mabubuo sa darating na panahon kung dalawang tao rin lang sa Palasyo ang magbibigay ng pinal na desisyon kay President Aquino?
Nalilimutan na ang lahat ukol sa nangyari sa Quirino Grandstand pero ngayon, natutuklap muli ang mga sugat, lalo na sa panig ng mga taga-Hong Kong. Tandaan, may mga namatay, may mga malubhang nasugatan na hanggang ngayon ay nasa ospital pa sa Hong Kong. Hindi ako magtataka kung may mga kilos-protesta muli na pinangungunahan ng mga kamag-anak ng mga biktima.
Pero kung marami ang nadismaya sa pagbawas sa mga kasong isasampa sa ilan, mas maraming nadismaya at umiling sa pagka-absuwelto nina Usec. Puno at dating PNP chief Jesus Verzosa. Naglalabasan na ang mga opinyon, komentaryo, batikos pa nga sa naging tadhana ng dalawa. Ang inasahan ng marami sa pahayag ni P-Noy na gugulong ang mga ulo ng mga may pananagutan, ay nauwi siguro sa paggulong sa tuwa ng dalawang nabanggit.
Wala na nga sigurong magagawa ang lahat, dahil ang presidente na ang nagsalita. Katulad na rin na walang magagawa ang lahat sa pag-abswelto ni P-Noy kay Sen. Trillanes at mga sundalong nagrebelde sa dating administrasyong Arroyo. Ako, matagal na akong hindi sumang-ayon sa mga aksyon nina Trillanes at kung sino pang mga rebeldeng sundalo. Hindi dahil kampi ako sa dating administrasyon. Ako pa! Pero dahil nawawalan ng saysay ang pagsunod ng militar sa kapangyarihan ng sibilyang gobyerno. May tamang paraan para tumiwalag at labanan ang isang administrasyong hindi makataru-ngan. At ang pagrerebelde ng ilang sundalo lamang para sa akin ay maling pamamaraan. Nalalagay sa peligro ang mga mamamayan kapag kumilos na mag-isa ang militar. Nalarawan ito nang sakupin nina Trillanes ang Oakwood Hotel. Pinaligiran ng bomba ang gusali, sa gitna ng isang publikong lugar! Sa pagbigay ng amnesty at kalayaan sa mga rebelde, ano pa ang pipigil sa mga sundalong magrebelde kung kailan nila gusto? Sa totoo lang, may nakulong na bang pangmatagalan na mga nagrebeldeng sundalo, magmula noong 1986? Hindi ba lahat inabsuwelto kinalaunan? Baka ito na ang nakatanim sa lahat ng sundalo, na mapapalaya rin sila kahit ano pang pangrerebelde ang gawin nila. Huwag sana.