HINDI pa sarado ang kaso ng “Manila hostage crisis.” Matapos rebisahin ng mga legal expert ni Presidente Aquino ang rekomendasyon ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC), marami ang pagbabagong ginawa ng Palasyo.
Sa una’y sumama ang loob ni Justice Secretary Leila de Lima (namuno sa IIRC) na nagsabing ikinonsidera niyang mag-resign. Pero mahimasmasan din siya. Na-realize na alter ego siya ng Pangulo na may presidential prerogative upang rebisahin ang rekomendasyon. Binura ng Malacañang ang mga inirekomendang kasong kriminal na naging kasong administratibo na lamang laban sa mga pinapanagot na government officials sa madugong hostage crisis.
Magkakaroon pa ng imbestigasyon at karampatang pagdinig sa mga kinauukulang opisyal na idinadawit sa palpak na pag-handle ng madugong hostage crisis. This may take a little time of course.
Ayon kay Executive Secretary Paquito Ochoa, makikipagpulong siya sa mga pinuno ng National Police Commission (Napolcom) upang mapadali ang proseso. Ayon sa Napolcom na humahawak sa mga reklamo laban sa mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police (PNP), maaaring umabot ang sarili nitong imbestigasyon hanggang 60 araw.
Ayon sa mga balita, may mga taga-Hongkong na hindi nasiyahan sa pagbabagong ginawa ng Palasyo. Subalit sinabi ni Ochoa: “We wish to assure the people of Hong Kong and the Chinese government that the Philippine Government is taking active measures to ensure the quick initiation and resolution of the cases to be filed against the individuals found liable in the August 23 hostage-taking incident,” aniya
Bukod sa pagtutok sa mga kaso, ang pamahalaan ay magsasagawa ng mga repormang institusyonal upang hindi na maulit pa ang insidente at ihahanda rin nito ang iba’t ibang ahensiya sa pagtutugon sa kaparehong sitwasyon sa hinaharap.
“We have already begun taking steps to implement the reforms needed to ensure that our police forces have the equipment and training necessary to address similar incidents in the future,” aniya.