MALAPIT na naman ang Pasko pero may ilan tayong kaibigan sa industriya ng newspaper na nakatakdang mawalan ng trabaho kapag nagsara ang isang tabloid na hindi na natin papangalanan.
Kawawa naman ang mga editors, lay-out artists, at iba pang empleyado ng tabloid na ito dahil yung marami’y walang kamalay-malay na isasara na ang kanilang publikasyon. Yung isang naka-amoy ng panganib ay dumulog nga sa atin at nagsumbong.
Ilan taon din namang nagsikap ang kakaibang tabloid na ito na umangat ang sirkulasyon at benta sa merkado. Ayon sa isang tagaloob mismo, nakapagdesisyon na ang Publisher at ang financier sa operasyon ng diyaryo na huling labas na nila sa katapusan ng buwan.
Anang impormante, sinadya talagang hindi ihayag ng publisher sa mga tauhan ang plano para hindi raw maapektuhan ang kalidad ng mga naghihingalong edisyon ng diyaryo. Natatakot marahil sila na magiging pawarde-warde na lang ang performance ng mga kawani kapag nalamang may taning na sila.
Grabeh! Mas mahalaga pa ba para sa Publisher ang kalidad ng mga huling labas ng kanilang diyaryo kaysa kabuhayan at kapakanan ng kanyang mga tauhan?
Malinaw na panloloko yan. Magugulantang na lang ang mga kawani ng pahayagang ito sa katapusan ng buwan kapag nalamang sarado na ang diyaryo. Hindi naman agad-agad makakahanap ng trabaho ang mga ito. Paano na lang ang Pasko at Bagong Taon nila?
Tingin ko’y dapat nang makialam dito ang Department of Labor and Employment (DOLE). Tiyak na sasabog ang isyung ito sa susunod na buwan kung hindi masasawata ang hindi makatarungang galaw o pagmamaniobra ng Publisher. Dapat ding tiyakin ng DOLE kung makukuha ba ng mga nauna nang umalis ang kanilang separation pay at pati na rin ang mga mawawalan ng trabaho sa katapusan ng buwan kung sakali.