'Shooter si Manang'

“Tao ang anak ko... Hindi baboy!” mabigat na pahayag mula sa isang ina.

Si Mary Grace Villaraldo, 36 taong gulang ay napunta sa amin upang ireklamo ang kapitbahay niyang umano’y tinarget ang kanyang 13 anyos na anak.

Ang   tinutukoy ni Mary Grace o “Grace” ay ang kapitbahay na si Rubielyn Villaespin. May-ari isang sari-sari store.

Mayo 2010 ng lumipat ang pamilya Villaraldo sa Sitio Mapalad, Caloocan. Paekstra-ekstra sa konstraksiyon ang asawa ni Grace na si Pedro kaya’t nag negosyo siya.

Katabi ng Sitio Mapalad ang BF Homes Subdivision kaya’t pagrarasyon ng pagkain sa mga ‘construction workers’ ang naisip niyang negosyo. Siguradong kikita ito sabi niya sa sarili.

Ika-14 ng Hulyo 2010, kasagsagan ng bagyong Basyang. Malakas ang hangin sa labas ng dumaan ang kaibigan ni Bubot na tinago namin sa pangalang ‘Ben’, dahil menor-de-edad.

“Bot... hinihintay ka na sa shop. Tara! Counter strike na tayo,” pag-aya ni Ben.

“Hindi wag kang umalis ng bahay. Manood ka na lang ng tv! May bagyo lalabas ka pa?” paalala ni Grace sa anak. Naiwan sa bahay si Bubot kasama ang kanyang lola na si Marissa.

Bandang 10:30 ng gabi bago matulog, sinilip ni Pedro ang mga anak. Sa sala nakita niyang natutulog na magkatabi si Bubot ang lola niya.

Ganap na 5:30 ng madaling-araw nagising si Grace para umihi. Katatayo pa lang niya narinig niyang kumakatok sa pinto ang anak na si Bembem.

“Anak, bakit ang aga mong nagising. Walang pasok ngayon may bagyo,” tanong ni Grace.

Pumunta siya sa banyo, sumunod naman itong si Bem at naghintay sa kusina. Isang katok na naman ang narinig ni Grace.

“Anak anu bang problema?” Tanong ni Grace. “Ma, tingnan mo dali may dugo...” sabay turo ng anak sa lababo.

Nagtaka si Grace kung paano magkaroon ng dugo sa lababo. Kinabahan na siya. Una niyang pinuntahan ang sala. Binuksan niya ang ilaw. Nakita na lang niyang nakadapa si Buboy, walang damit pang-itaas puro dugo ang likod.

“Papa! Papa... halika dito dali. Si Buboy tingnan mo!” hiyaw ni Grace.

Mabilis na tinihaya ni Pedro ang anak. Nakita na lang niyang puro dugo ang dibdib nito. May butas na wari nilang isang tama ng bala ng baril sa kaliwang bahagi ng kanyang dibdib. Tumawag ng patrol sina Pedro. Isinugod ng barangay ang bata sa Jose Reyes Medical kasama ang lola nito.

Ang mag-asawa naman dumeretso sa Philipine National Police (PNP) Caloocan upang magpa-'blotter’. Nagkalap agad ng im­pormasyon sina Grace. Nalaman niyang si Ben pala ang huling nakasama ng anak. Kinwento niya ang umano’y nangyari.

Tumakas pala itong si Bubot sa kanilang bahay. Hatinggabi ng umalis ito kasama si Ben upang maglaro ng ‘counter strike’ kasama ang iba pang mga kalaro sa computer shop.

Ala una ng umaga na ng matapos silang maglaro. Pauwi na sila ng mapansin nila ang dalawang lalaki na binubuksan ang trapal ng tindahan ni Rubielyn mas kilala sa tawag na “Rubie”.

Tumayo sila sa gilid ng tindahan at nagmasid. Para umanong nagnanakaw ang dalawang lalake kaya’t sinita nila ito, “Psst! Anu yan huh?!” sabi ni Bubot. Sabay takbo ng dalawang kalalakihan.

Makalipas ang ilang minuto umalis na ang dalawa. Naunang naglakad si Ben. Nakakailang hakbang pa lang siya ng makarinig ng isang putok ng baril.

Lumingon siyang muli. Nakita na lang niya nakayuko si Buboy nakahawak sa kanyang duguang dibdib. 

Naunahan siya ng takot nagpanggap siyang walang nakita at gumilid sa eskenita malapit sa kanilang bahay; Hinintay niyang makalampas sa kanya ang kaibigan na nuo’y hirap na sa paghinga.

Sumilip siyang muli sa tindahan. Dito niya natanaw si Rubie na nasa labas habang hawak umano ang isang 9mm na baril.

Parehong kwento umano ang narinig ni Grace mula sa anak. Nakatayo raw siya sa gilid ng tindahan ng maramdaman na lang niyang may parang bumaon sa kanyang dibdib. Nakita niyang duguan ito at dito na siya nanghina.

Tinanong ni Grace ang anak kung bakit hindi ito agad nagsumbong sa kanya. Sagot naman ni Buboy,

“Natakot kasi ako Ma. Alam ko wala ring tayong pangtakbo sa ospital kaya’t tinago ko na lang...”.

Naging mabilis rin ang aksyon ng barangay sa kaso. Kinausap ng Kagawad na si Marissa Derla at Women Desk Officer ng baranggay 167 na si Corazon Bernabe  si Rubbie sa umano’y pamamaril niya kay Buboy.

Umamin daw si Rubie. Binaril niya daw si Buboy dahil nahuli niya itong nagnanakaw ng sitserya, candy at de lata ng gabing yun.

“Hindi lang ito ang unang beses na ninakaw niya mga paninda ko. Pangatlo na yan!” umano’y sabi ni Rubie.

Sampung araw na-confine si Buboy sa ospital. Kinailangang lagyan ng tubo ang kanyang tagiliran upang tanggalin ang tubig ang kanyang baga.

Sa ngayon nasa katawan pa ni Buboy ang bala. Wala pang tiyak na araw na binibigay ang doktor kung kailan ito tatanggalin.

Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ (tuwing 3:00 ng hapon) ang istorya ni Grace.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, mula ng maitatag ang Juvenile Welfare Act o R.A 9344 ni Senator Francisco “Kiko” Pangilinan kung saan ang mga batang na sa sangkot sa mga krimen ‘children in conflict with the law’ kapag below 15 ay di maaring kasuhan.,

 Kung totoo mang nagnakaw nga itong si Buboy sa tindahan ni Rubie may tamang proseso para panagutin ito. Maari siyang ireport sa DSWD upang sumailalim sa isang ‘diversion program’. Hindi tamang basta na lang siya targetin ni Rubie na parang baboy!

Alin ba ang mas mahalaga? Ang buhay ng tao iyong panindang tsitserya?

Sabihin na natin na ilang beses na ngang kumukupit itong si Buboy ng sitserya, dapat siguro ipinagbigay alam sa barangay captain ng nasabing lugar para naipatawag ang magulang ni Buboy at naiwasan ang karahasang ito.

Nakakalungkot din naman marinig mula kay Buboy na kahit na siya may tama na ng bala sa dibdib iniisip niya ang kanilang pagkakapos sa pera kaya hindi siya kumibo at tiniis ang sakit.

Gaano ba kalaki ang kasalanan ng isang katulad ni Buboy na gustong tumikim ng tsitseria kaya nakuha niyang kumuha sa tindahan ntong babaeng namamaril?

Nakipag-ugnayan na kami sa kay Prosec Ferdinand Valbuena ng Prosecutor’s Office Caloocan upang mapabilis ang pagresolba ng kasong isinampa ni Grace na Frustrated Homicide laban kay Rubie.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

SA gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

SA PUNTONG ITO nais ko lamang batiin ang mga ‘bagong’ kaibigan sa FACEBOOK. Ito ay sina Rodel Sandoval, Wendy Llanosa, mula pa sa Kuala, Lumpur at si Irene Nogra ng Apalit, Pampanga.

* * *

Email address: tocal13@yahoo.com.

Show comments